Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Low mileage, sariwa

0 153

Low mileage, sariwa.

Ang mga salitang ito ang pinakapangkaraniwang deskripsiyon na ibinibigay ng mga nagbebenta ng mga segunda-manong sasakyan dahil ang mga ito rin ang hinahanap ng mga baguhan o kaya naman ay sumusubok na magpakapraktikal daw sa pag-aawto.

May mga nakakatsamba ng mga maaayos na sasakyan sa ganitong diskarte pero marami din siguro ang maniniwala pag sinabi kong mas marami ang nadidenggoy at dispalinghado ang nabibili nila, ito ‘yung mga tipong mas madalas sa pagawaan kesa galaan.

Pero paano nga ba malalaman ang totoong sariwa at low mileage na sasakyan?

Hindi madaling makilatis ang mga lehitimong sariwang sasakyan vs sa mga pinagmukhang sariwa lamang kaya kadalasan ay nadadale ang mga inosenteng buyer.

Pero sa abot po ng aking makakaya ay bibigyan ko kayo ng tips kung paano kumilatis ng mga segunda-manong sasakyan kahit pa sa tingin lamang at walang gabay galing sa mekaniko.

Narito po ang ilan sa mga indikasyon na laspag na ang sasakyang ibinebenta kahit pa sabihing wala itong gasgas, kumikinang ang pintura sa labas, malinis tingnan ang makina at walang kaali-alikabok sa cabin.

Related Posts

Ang lahat po kasi ng mga ‘yan ay kayang magawa sa pamamagitan lamang ng maghapon hanggang dalawang araw na detailing.

Eto na po ang ilang indikasyon na laspag ang segunda-manong sasakyan na inyong tinitingnan o kursunadang bilhin;

1. Manibela-Kapag ang sasakyan na tinitingnan mo ay may nakakabit na steering wheel cover, baklasin ito para makita kung pudpod na ang mismong manibela. Kapag pudpod na, sagana na sa biyahe yan. Tingnan din ang diinan ng busina dahil kapag lubog na ito, indikasyon din yan na gamit na gamit ang sasakyan.

2. Seat cover- Ganoon din ang proseso na gawin. Kung bago ang seat cover ng sasakyan na tinitingnan, baklasin sa mga bahaging madalas na inuupuan gaya ng driver’s seat at ang hilera ng upuan sa likod, kapag lubog na, ganoon din po ang kuwento, madalas bumiyahe ang sasakyan at baka lagi pang puno ng pasahero.

3. Milyahe-Bilangin kung ilang taon na ang sasakyan at itugma sa karaniwang biyahe bawat taon na nasa pagitan ng 10 libo hanggang 12 libong kilometro. I-multiply ang edad ng sasakyan at ang tinakbo base sa milyahe nito sa gauge, kapag masyadong mababa at napuna niyo ang ating deskripsiyon sa manibela at seat cover, malamang na kinalikot na yan.

Tatlong tip lamang yan pero kung magagawa ng mga tagasubaybay natin na naghahanap ng segunda-manong sasakyan ay mababawasan ang panganib na dispalinghado ang makukuha nila at kahit na hindi bago ay mai-enjoy nila sa galaan hindi sa pagawaan.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.