Abante Tonite Interactive

LP dismayado sa pag-abandona ng mga dating ka-partido

By
0 1,103

Aminado si Liberal Party (LP) president Senator Francis Pangi­linan na dismayado sila sa pag-ober da bakod ng mga dati nilang ka-partido na may natitira na lang na 18 mula sa dating solido na 115 noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa idinaos na Kapihan sa Maynila kahapon ng umaga, sinabi ni Pangilinan na nalulungkot sila dahil sa pag-abandona ng mga dating ka-partido na ang karamihan ay sumampa umano sa kuwadra ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang partido politikal matapos matalo sa presidential race noong 2016 ang standard bearer nila na si dating Senator Mar Roxas.

“Sabagay, paulit-ulit lang naman ‘yan. Ganyan talaga ang buhay sa politika na sa totoo lang ay masakit at hindi patas. ‘Pag natalo ang partido, mag-aalisan at sasampa sa iba’t ibang kampo ang mga miyembro,” ani Pangilinan.

Dahil dito, sinabi ng senador na nagsasagawa sila ng recruitment ng mga bagong miyembro ng LP na hindi mga politiko.

“Pulos non-politician ang mga nire-recruit naming miyembro. Kailangan naming magdagdag ng new members dahil naubos nga kasi sa paglipat nila. Pinili namin ‘yung mga non-politicians pero alam naming may kakayahan na maglingkod at tunay na malasakit sa tao,” ani Pangilinan.

Tumanggi naman ito na tukuyin ang ilan sa mga bago nilang miyembro na ang ilan ­aniya ay mga doktor, atleta, artists at iba pa na kilala naman sa kani-kanilang mga larangan.

Itinanggi rin nito na may ipinangako silang kapalit para lang umanib ang mga ito sa LP.

Samantala, patuloy naman aniya ang isinasagawa nilang Project: Makinig kung saan ay may mga volunteer silang bumibisita sa mga bahay at kumaka­usap sa mga tao para sa kanilang mga pananaw sa iba’t ibang isyu sa pamahalaan.

“Ito ang kaibahan ng face to face communication kaysa sa ­social media. Sa social media kasi, mayroong mga murahan, dito ay maayos ang pag-uusap,” ani senador.