Abante Tonite Interactive

LRTumbahan iniimbestigahan na

363

Sinimulan na kahapon ang fact-finding committee na binuo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) para imbestigahan ang nangyaring banggaan ng dalawang tren nito, kung saan 34 katao ang nasugatan.

Ayon kay LRTA Spokesperson Hernando Cabrera, kabilang sa aalamin ng komite kung paanong kumalas ang preno ng dead train at nabangga ang kasunod na tren noong Sabado nang gabi.

Aniya, inaasahan na bukas ay magkakaroon na ng ulat ang
komite hinggit sa insidente.

“Usually binibigyan kami ng 48 hours na gawin ‘yung imbestigasyon at gawin ang report,” sabi ni Cabrera.

Ayon pa kay Cabrera, napakaseryosong bagay ito dahil sangkot dito ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero kaya’t kailangan na maimbestigahan mabuti ito at malaman ang katotohanan kung ano talagang nangyari kung bakit gumulong mag-isa ang tren.

Nabatid na hanggang kahapon ay lima pang indibidwal ang nananati­ling naka-confine sa pagamutan dahil sa aksidente, kabilang ang isang Grade 8 student, na nag-crack ang panga at kinakailangang sumailalim sa operasyon.

Ang isa pang biktima ay dumaranas naman ng muscle spasm, isang pas­yente ang may traumatic anxiety, isang nagkaroon ng na-dislocate ang balikat at isang LRTA teller na nagtamo ng balin sa braso.

Kasunod ng insidente, kinakaila­ngan umanong maghintay ng matagal ang mga pasahero ng tren bago makasakay.

Nanindigan rin ito na ‘generally safe’ pa rin ang LRT-2 sa kabila nang naganap na banggaan. (Armida Rico)