Abante Tonite Interactive

LTFRB nangangapa sa epekto ng TRAIN Law sa pasahe

By
10,621

Nagpasaklolo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa National Economic Development Authority (NEDA) upang madetermina ang tamang dagdag sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan kapag sumipa na ang presyo ng produktong petrolyo bunga ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada, inimbitahan nila ang kinatawan ng NEDA sa isang public hearing sa susunod na linggo kung saan ta­talakayin ang mga petisyon para sa pagtaas ng pasahe dulot ng nasabing Tax Reform Law.

Pinadadalo din ni Lizada ang grupo ng mananakay dahil sila ang unang tatamaan ng fare hike.

Nanindigan si Lizada na makakatulong ang NEDA para madetermina kung ano ang tamang pagtaas ng pasahe na dapat ipatupad resulta ng TRAIN Law lalo at iba-iba umano ang hinihingi ng sektor ng transportasyon.

Matatandaan na sa petisyon ng Grab Phi­lippines ay humingi ito ng limang porsi­yentong rate increase per kilometer mula sa dating P10 hanggang P14 ay magi­ging P11 hanggang P15 at dagdag na 10 sentimo kada minuto o mula dalawang piso ay magiging P2.10 habang P40 pa rin ang kanilang base rate.

Samantala sa mga 6-seater vehicles ng Grab ay P60 pa rin ang base rate subalit sa halip na P13-P19 per kilometer ay humihingi ito na gawing P14 hanggang P20 ay dagdag na P0.23 sentino kada minuto.

Sa kanilang premium trips, ang Grab ay humingi ng P18-25 na dagdag at P0.25 sentimo kada minuto mula sa dating P16 hanggang P23 per kilometer bagama’t P70 pa rin ang base rate.

Ang taxi operators na Philippine Natio­nal Taxi Operators ­Association (PNTOA) ay ­unang nag-abiso na P50 flagdown rate ang kanilang isusulong at dagdag na P13.50 per kilometer at P2.50 per minute waiting time.

Habang ang jeepney group na PasangMasda ay maghahain naman sa susunod na linggo ng apat na pisong dagdag o magiging P12 na ang minimum fare sa jeep mula sa dating walong piso. Unang ­napaulat na hala­gang P2.50 hanggang­ P3.00 kada litro ang ikakarga sa presyo ng gasolina at krudo kapag sinimulan nang ipatupad ang pagpapataw ng excise tax sa produktong petrolyo alinsunod sa TRAIN Law.