Abante Tonite Interactive

LTFRB paldo sa TNVS

162

Napakarami palang kinikita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga Transportation Network Vehicle Services (TNVS) kaya nakapagtatakang pinahihirapan ang mga ito sa kanilang panga­ngailangan sa operasyon.

Ang ating tinutukoy ay ang iniisyung Provisional Authority (PA) sa mga TNVS ng LTFRB.

Sa ngayon ay tatlong buwan lamang tumatagal ang PA na iniisyu ng LTFRB sa bawat TNVS. Ibig sabihin kada tatlong buwan ay kaila­ngang mag-renew ng PA ng isang operator ng TNVS.

Bawat PA ay nagkakahalaga ng P260 lang naman, hindi kabi­gatan sa mga operator. Ang nakikita lang nating isyu sa puntong ito kahit na maliit na halaga ay ang dalas ng renewal. Sa isang taon ay P780 din.

Kanya nga lamang kung pagsasama-samahin ang 65,000 mga TNVS ay napakalaking halaga nito at aabot ito sa P50,700,000 sa isang taon.

Kung pagbabasehan natin ang kabuuang halaga na kinikita ng LTFRB sa mga TNVS aba’y hindi dapat sila pinahihirapan at pinagkakakitaan pa.

Dapat ay ibinibigay sa kanila ang tamang serbisyo.

Kaya ko ito nabanggit ay dahil sa dalas na pagsakay ko sa Grab ay ramdam ko ang hirap ng mga driver/operator.

Aligaga sila sa pagre-renew ng kanilang PA na tuwing ikatlong buwan ginagawa sa takot na mahuli ng LTFRB dahil tumataginting na P200,000 daw ang multa kapag nahuling nag-o-operate na walang PA.

Sa kasalukuyan nga raw ay umaabot na sa 120 walang PA na TNVS ang inimpound ng LTFRB.

Maliban sa napakalaking multa ay may isa pang bayarin ang mga TNVS at ito ay ang PAMI na isa sa requirement sa mga public vehicle.

Noong 2015 ay nasa mahigit P1K lang ang bayad para sa Sedan habang sa SUV ay nasa P1,200 kada taon pero ngayong 2019 ay lumobo raw nang todo ang kanilang bayarin sa PAMI umaabot na raw ito sa P2,760 sa Sedan habang P3,400 naman sa SUV.

Ang tanong natin sa LTFRB, kailangan ba talagang ganun kamahal ang ipataw na singil ng PAMI? Imbes na pamura ang bayad ay pataas na nang pataas.

Ang isa pa nating concern ay bakit kailangang gawing kada ikatlong buwan ang renewal ng PA gayung ipinangangalandakan ng LTFRB na may mga nakalaan silang slot.

Hindi pa malinaw na pinagkakakitaan lamang sila ng LTFRB dahil kung may mga available naman palang slot ang tanong bakit kailangan hanggang tatlong buwan lamang ito puwedeng magkabisa?

Aba marami-raming koleksyon din sa pamahalaan ito kaya dapat ma-account mabuti dahil sa TNVS lamang paldo na ang LTFRB, paano pa ang kita sa mga taxi, bus, jeep at iba pang uri ng transportasyon?