Abante Tonite Interactive

LTFRB sisihin din sa trapik

155

Normal na ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila, lalo na sa kahabaan ng EDSA.

Matindi dahil hindi lang Lunes hanggang Biyernes natin ito dinadanas kundi halos pitong araw na sa isang linggo.

Paano natin hindi dadanasin ang masikip na daloy ng trapiko eh napakara­ming ginagawa sa kalsada.

Sabagay kailangan natin ang mga ‘yan lalo na ang ginagawang konstruksiyon ng MRT-7 dahil mapapabilis ang biyahe ng ating mga kababayan.

Kanya lang isa pa sa sanhi ng trapiko sa ngayon ay hindi napapansin malamang ng mga opisyal ng gobyerno, ng mga mambabatas. Ito ay ang pagsulputan ng mga bagong uri ng public transport. Sandamakmak na po sa ngayon.

Bukod sa dating mga taxi, jeep at bus ay nadagdag pa ang mga Transport Network Vehicle Service, at ang mga bagong linya ng mga pampasaherong mga bus.

Nangyari ang pagdami ng mga ito nga­yong administrasyon.

Kaya’t hindi ba dapat sisihin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mukhang hindi na nag-iisip kaya’t hinayaang dumami ang mga sasakyan sa kalsada?

Kapag nakikita ko ang mga bus, UV Express, jeep, at taxi sa mga pangunahing kalsada ay napapai­ling na lang ako dahil sandamakmak sila pero mangilan-ngilan lang ang kanilang pasahero. Kaya ang resulta, teribleng trapiko ang dinaranas ng mga motorista.

Mungkahi ko, baka kailangan namang maghigpit ng LTFRB sa pag-aapruba ng prangkisa ng mga public transport dahil para na silang kabute sa dami pero mukhang hindi naman sapat ang kinikita.