Abante Tonite
Mabilis sa Balita

LTO kinalampag ni Poe

0 147

Maraming nagbago dahil sa COVID-19 pandemic. Ang dating nakagawian, hindi na nagagawa ngayon kaya nga mayroon na tayong tinatawag na ‘new normal.’ Dahil sa pandemya, nauso ang online service ng gobyerno.

Okay lang sana kung maayos ang sistema. Pero paano kung nagkakaroon ng problema tulad ng nangyari sa Land Transportation Office (LTO)?

Kaya si Sen. Grace Poe, agad na kinalampag ang LTO na tiyaking mas maaasahan at madaling magagamit ang online portal nito para sa aplikasyon at renewal ng driver’s license.

“Sa panahong pilit nating iniiwasan ang face-to-face transactions dahil sa COVID-19, umaasa ang ating mga kababayan sa online transactions bilang mas ligtas, mabilis at maaasahang paraan,” pahayag ni Poe. “Ang kawalan ng silbi ng online service ng LTO ay talaga namang hindi katanggap-tanggap.”

Nakarating kasi sa kaalaman ng senadora na ilang mga tsuper na nais mag-renew ng kanilang lisensya ay nakararanas ngayon ng mga problema sa Land Transportation Management System (LTMS).

Sa mga hindi po nakakaalam, ang LTMS ang nagsisilbing online platform para sa lahat ng motoring regulatory services ng LTO. Pinagsisilbihan din nito ang mga baguhang aplikanteng nais mag-apply ng lisensya sa pagmamaneho at magpaparehistro ng behikulo sa unang pagkakataon.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pero imbes na maging ehemplo ang mga government portal, sila pa ang mistulang naging lumang sasakyan na pupugak-pugak. Dapat palaging naka-tune up ang sasakyan para walang patid ang serbisyo sa publiko.

Hindi ito ang vision ni Poe nang iakda at maisabatas ang Republic Act 10930. Dahil sa nasabing batas, magiging 10 taon na ang validity ng driver’s license kung walang violation at 5 taon naman sa may violation.

Binago rin ng naturang batas ang Land Transportation and Traffic Code, na layong panatilihin ang integridad ng driver’s license examinations. Sa ganitong paraan, mababawasan ang suhulan para makakuha ng driver’s license upang matiyak na kuwalipikadong magmaneho ang mga mabibigyan ng lisensiya.

Malaking ginhawa sa publiko ang ginawang batas ni Poe kaya sana naman ay ayusin ng LTO ang implementasyon nito.

“Dahil nakasaad sa batas na may opsyon para sa online processing ng mga aplikasyon, inaasahan natin ang LTO na may handa nang imprastruktura para lahat ng nais maka-access sa kanilang portal,” ayon pa kay Poe. “Dapat ayusin ng LTO ang problema, o kung hindi ay hindi nito maseserbisyuhan ang publiko at hindi maipatutupad ang isinasaad sa batas,” paalala pa niya.

Dahil sa aberya, ang pagiging balido ng mga paso nang lisensya ay palalawigin ng hanggang dalawang buwan. Tanggap naman ito ni Poe dahil krusyal ang dagdag na panahon lalo na sa mga mamamayang nais mag-renew ng lisensya ngunit hindi makapasok sa LTO portal.

Leave A Reply

Your email address will not be published.