Abante Tonite
Mabilis sa Balita

LTO -Novaliches bulag sa nagkalat na fixer

0 291

Anong powers kaya ang kailangan para mapatino ang isang sangay ng Land Transportation Office (LTO) particular sa bahagi ng Novaliches sa Quezon City?

Kahit noong MECQ ang NCR Plus ay walang pakialam ang naglipanang mga fixer sa harapan ng tanggapan ng LTO sa mahigpit na direktiba na bawal ang fixer.

Lalo na ngayong GCQ na uli sa NCR Plus tiyak akong mas marami pang fixer ang magkukumpulan diyan sa bisinidad ng LTO-Novaliches dahil maraming natenggang motorista ang kailangang magproseso ng kanilang mga lisensya at rehistro ng sasakyan.

Sandamakmak na fixer naka-face mask nga pero bibihira ang may face shield at kumpulan sila.

Ang punto ko lamang maliban sa mahigpit na ipinagbabawal ang fixer ay may COVID pa tayong nilalaban kaya’t hindi tamang magkalat ang mga tao sa paligid ng LTO.

Masyadong mapanganib ang nagkalat ng mga fixer dito sa mga may transaksyon sa LTO kaya hindi dapat hinahayaan ito ng mga tagapangasiwa ng LTO.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Inirereklamo rin ng mga motoristang nagdadaan sa nasabing lugar ang pakikialam ng mga fixer sa daloy ng trapiko.

May mga nakatalaga naman kasing mga tauhan ng barangay at traffic bureau sa lugar pero sobrang papel ng mga fixer sa pag-aasam na makakuha ng kliyente ay sila ang nagmamaniobra ng daloy ng trapiko kaya nagkakabuhol-buhol at nababalewala ang ginastusang traffic lights ng gobyerno sa lugar.

Kaya sana makarating sa tanggapan ng pinuno ng LTO ang kapabayaang nangyayari sa labas ng ahensya na animo’y walang gobyerno dahil mas naghahari ang mga fixer sa lugar.

Mukha ring kailangan ng LTO na maglagay ng mga tauhang magbabantay sa lugar para mawala ang mga fixer na sumisira sa pagpupursige ng gobyerno na linisin ang proseso ng pag-aayos ng mga papeles upang mabura ang korapsyon.

Dati nang may nangyayaring paglilinis sa lugar pero mukha lang dagang nagpupulasan ang mga fixer at kapag nag-alisan na nanghuhuli ay nagbabalikan rin ang mga ito.

Hangga’t may nag-i-entertain kasing mga tauhan o opisyal ng LTO sa mga fixer ay hinding-hindi mawawala ang mga fixer.

Leave A Reply

Your email address will not be published.