Abante Tonite Interactive

LTO on Wheels sa PITX

0 277

Para sa mga taong siksik-liglig ang haba ng listahan ng mga gawain sa araw-araw, aba eh kay galing na serbisyo itong inilalatag ng Land Transportation Office (LTO) na LTO on Wheels sa Parañaque Integra­ted Terminal Exchange (PITX).

Literal na de-gulong ang kanilang serbisyo dahil ito mismo ang luma­lapit sa tao para sa mga transaksyon na ginagawa lang dati sa kanilang mga tanggapan.

Para sa kaalaman po ng ilan, ang PITX ang una at pinakamala­king landport sa bansa. Kasama ito sa mga ambisyosong proyekto ng gobyerno sa ilalim ng Build, Build, Build prog­ram.

In short, bukod sa mga opisina at commercial space sa loob ng gusali, ito ang 4.5 hectare ‘all-in-one’ na terminal ng mga bus, jeepney, taxi at mga UV Express shuttle sa Diosdado Macapagal Boulevard para sa mga pasahero sa Metro Manila at mga probinsya sa Calabarzon.

Sabi ni PITX General Manager Mariano Arroyo, ‘yung mahigit 50,000 pasahero na nagtutungo rito araw-araw ay maaari pang madoble sa susunod na mga araw dahil madaragdagan pa ang bubuksan nilang mga biyahe.

Mantakin ninyo ang dami ng mga makikinabang dito.

Okay din itong si GM Arroyo ano po? Alam daw kasi niya na hindi naman lahat ay maluwag ang oras at puwedeng asikasuhin ang mga kailangan nila sa LTO.

Kawawa naman daw ang mga busy sa trabaho na hindi ito mapag­lalaanan ng panahon.

Para makatulong sa ibang paraan, naisip ni GM Arroyo na makipagsanib-puwersa sa LTO at buksan ang PITX para sa programa nitong LTO on Wheels.

Habang naghihintay nga naman ng kanilang biyahe o kaya ay maagang makauwi mula sa kanilang trabaho ay maaari silang makasingit at makakuha ng mga kailangan nilang dokumento.

Ayon kay GM Arroyo, ihihimpil ang LTO on Wheels sa PITX Gate 1 sa 2nd level ng terminal ngayong Oktubbre 9 hanggang bukas, Oktubre 10; sa Oktubre 16 at 17; at sa Oktubre 23 at 24.

Aba eh samantalahin na po ninyo ‘yan dahil malaking ginhawa ‘yan para sa mga aligaga nating tatay at nanay, ganun din sa mga super busy na sina ate at kuya.

Ang ilan sa mga serbisyong ibibigay ng LTO on Wheels ay ang pag-iisyu ng student permit, renewal ng driver’s license na nakatakdang mag-expire sa loob ng dalawang buwan at ‘yung mga expired na pero hindi hihigit sa dalawang taon, motor vehicle registration para sa mga plakang nagtatapos sa 0 at 1-9 na may kaukulang multa, at libreng printing ng five-year validity ng mga driver’s license card.

Kumpiyansa pa si GM Arroyo na dahil teritoryo nila ang PITX, walang magkakamaling fixer na gagala sa terminal para mambiktima sa mga aplikante.

“Ito ay partnership ng PITX at LTO kaya natutuwa kami dahil pareho kaming makatutulong sa tao. PITX aims to make commuting friendlier, while LTO wants to reach out to motorists. Both of us have objectives that benefit our fellow Filipinos, so we’re really supporting each other and working together to make things happen,” paliwanag ni GM Arroyo.

Bukod sa LTO, mayroon ding satellite office sa terminal ang Maritime Industry Autho­rity para naman sa mga Filipino seafarer. Sabi ni GM Arroyo, madaragdagan pa ito ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kaya naman mas magi­ging abot-kamay sa tao ang serbisyo ng pamahalaan.

O ‘di ba, mas marami, mas masaya talaga!