Abante Tonite Interactive

LTO, QC police walang paki sa mga fixer

By
165

Nakakawindang ‘pag nagawi ka sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Quirino Highway sa Quezon City sa mga panahong ito.

Alam n’yo bang lantarang kinukunsinti ng LTO at mga nakakalat na pulis-trapiko ng Quezon City ang naglipanang mga fixer sa nasabing lugar?

Papaano natin hindi sasabihing kinukunsinti, aba’y katuwang pa ng mga nanga­ngasiwa sa daloy ng trapiko na mga tauhan ng QC Traffic ang mga fixer.

Abante Hiring – IT dep

Kaya tuloy nagkakabuhol-buhol ang trapiko sa lugar at ang mga motorista na nagagawi sa lugar ang apektado.
Kaya natin sinabit ang LTO sa problemang ito ay dahil wala silang paki kahit naghambalang sa harapan ng kanilang tanggapan ang mga fixer.

Lumalabas naman siguro sila sa nasabing opisina para hindi nila makita ang nagkalat na mga fixer sa kahabaan ng Quirino Highway at sa extension ng Commonwealth.

O hindi kaya nagpapanggap na lamang silang mga bulag para tuloy ang ligaya ng mga fixer at kasabwat nilang mga tiwaling tauhan at opisyal ng LTO.

Ang nakakagigil lamang sa araw-araw na senaryo sa LTO ay nakabalandra sa tanggapan ang mala­king karatulang ‘bawal ang fixer’ pero hayun, nagkalat ang mga fixer sa lugar.

Sa opisyal ng LTO sa Quirino Highway, baka naman maaaring magsalamin po kayo para makita ninyo ang napakapangit na tanawin sa labas ng inyong tanggapan.

***
Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-monitor at pagdokumento sa mga campaign materials ng mga kandidato partikular na ang mga poster at tarpaulin na sobra ang sukat at nakalagay sa mga lugar na hindi deklaradong common poster areas.

Sa isang forum sa National Press Club (NPC), sinabi ni Co­melec spokesperson James Jimenez na magsisilbi rin itong babala sa mga kandidato na seryoso sila sa pagpapatupad ng mga batas at wala silang sisinuhin sa mga mapapatunayan nilang lumalabag sa batas.

Kabilang sa mga nakita ng Comelec na problema ay ang mga campaign materias na nasa mga poste ng kuryente, kawad ng kuryente, nasa sidewalk, overpass, at mga center island sa Tondo, Maynila.

Marami ring campaign materials na lagpas sa itinakdang sukat na 2×3 feet.

Kaya hinikayat ni Jimenez ang publiko na isumbong sa kanila ang mga lumalabag sa nasabing panuntunan.

Dapat lang aniya na ilagay ng netizens ang klase ng paglabag, lugar kung saan nakita ang election materials, petsa kung kailan kinuhanan ang larawan at gamitin ang #SumbongSaCOMELEC.