Abante Tonite Interactive

Lumabas ang mga henyo sa gobyerno!

By
0 1,139

Buti pa ang pera, may tao. ‘Yung papel na P1,000 nga, tatlong tao pa ang nakaimprenta.

Pero ang tao, walang pera. ‘Yung iba, kahit itak­tak pa, hindi manga­ngamoy singko sentimo.

Hayyy, mapapabuntong-hininga na lang nang mahabang-mahaba ang mga kawawang Juan. Ganito na nga ba kahirap ang buhay sa ‘Pinas? Kahit na anong kayod mo kasi sa maghapon eh reklamo, daing at hinagpis pa rin ang baon mo paglatag ng katawan mo sa banig pagsapit ng gabi.

Sabi nga ng mga matatandang cowboy, ala eh tomorrow will be another day. Bagong kayod. Bagong pagsisikap para may makuhang pansaing man lang kinabukasan.

Bakit nga ba ganito ang takbo ng buhay ngayon? Ganito nga ba kalupit ang epekto ng implasyon o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mahal nating bansa?

Wala bang magawa ang mga henyo nating opisyal sa gobyerno para maibsan man lang ang napakabigat na dagan sa pang-araw-araw na buhay ng mga karaniwang Pinoy?

Ang bato ng sisi, patuloy daw kasi ang pagsipa ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado kaya may domino effect ito sa kabuhayan ng mga bansang bumibili ng nasabing produkto.

Eh ganu’n naman pala, bakit hindi tapatan ng solusyon ng mga paham nating lider? Alam naman pala ninyo na mabigat ang magiging dating nito sa ating bansa, lalo na sa mga ordinaryong mamamayan, bakit ganito pa rin po?

Sana ay may ayuda man lang kayo na maisip du’n sa mga maliliit nating negosyante, tulad ng mga nasa ka­rinderya na suntok sa buwan kung tutubo o sasambot man lang ngayong araw dahil sa tirik na tirik na pres­yo ng pansahog sa kanilang mga paninda.

Samantala, ‘yung mga halang ang kaluluwa, ikinatutuwa pa na may implasyon na nangyayari. Kasi, ito ang hinihintay nilang pagkakataon para tumaba pa lalo ang kanilang mga bulsa.

‘Yung iba, magtatago pa nga ng kanilang supply para magtaas lang ng presyo. ‘Yung iba naman, bait-baitan ang peg.

Kunwari, pareho pa rin ang presyo pero huwag ka, dalhin mo sa ibang timbangan ang binili mo sa tindahan nila at saka mo lang malalaman na kulang sa timbang ang ibinigay sa inyo.

In short, ‘yung kupit nila ang niloko sa inyo. Terible hindi po ba? Kanya-kanyang diskarte para manloko at hindi man lang sila madaplisan ng bagsik ng implasyon.

Pero sabi nga, if there’s a will, there’s a way. There will always be a way.

Kaya nga Pangulong Duterte, baka nasa row 2 lang po ang mga nakapuwesto sa mga ahensiya natin kaya kulang sila ng isip-isip. Baka naman po may mahahagip tayo diyan na nasa row 1 na simple lang, mga tahimik lang pero ka­yang mag-isip. Kayang dumiskarte nang tama.

Baka marami po diyan na kahit hindi taga-Davao at hindi kaklase eh puwede namang pagbigyan para maka­tulong sa mga problema sa ating bansa.

Nagmumungkahi lang naman po Sir. Pero sana eh matimbang din naman ninyo.