Abante Tonite Interactive

Lumabong lalo ang eSports sa SEA Games

251

LEVEL UP!

Napakalabo tulad sa malumot at maitim na kulay ng tubig sa patay na ilog ang pagbinyag bilang medal sport sa electronic sports o eSports sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa Luzon sa Nobyemnbre 30-Disyembre 11.

‘Di pa nga naliliwanagan sa nagkakagulong Philippine Olympic Committee (POC) kung sino ang dapat mamahala sa anim na eSports event na paglalabanan sa kada dalawang taong multi-sport meet, may isang panibagong balakid pa ang kinakaharap ng mag-oorganisa ng torneo.

Ito ay matapos iulat na inayawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahala sa pagbalikat ng bansa sa ikaapat na pagkakataon sa SEA Games na nilakad ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation, Inc. (PHISGOCF), Inc.

“PRRD reportedly decided to relieve PHISGOC of managing the 30th SEAG. The Philippine Olympic Committee and the Philippine Sports Commission will now run the games,” paliwanag ng isang mataas na opisyal sa Level Up.

Gayunman, tila kasing gulo ng nagaganap sa pagsasali ng electronic sports sa SEA Games ang magaganap sakaling maipatupad ang pagnanais ni Pangulong Duterte na alisin ang responsibilidad sa mga naunang nagpatakbo ng paghahanda ng Pilipinas para sa SEAG.

Una nang hiniling ng PHISGOC sa ipinadala nitong sulat sa POC na bigyan nito ng karapatan ang organisasyon para siyang magpatakbo sa electronic sports. Gayunman, nagkagulo na lang sa liderato ng POC kaya walang naibigay na kasagutan para sa magpapatakbo ng eSports.

‘Di din maikonsidera o mabigyan ng pagkilala ng Asian Electronic Sports Federation (AESF) ang pagsasagawa ng SEAG eSports dahil sa kawalan ng isang lehitimong national sports association (NSA) na dapat na magpatakbo sa torneo.

Nakatakdang lutasin ng POC ang problema nito sa liderato sa darating na Hulyo 18 sa gagawin na Extraordinary General Assembly at sa inaasahang paghahalal sa ikatlong pangulo sa loob ng isang Olympic cycle sa Hul. 28.

Pero ‘di pa rin sigurado kung tuluyang malulutas nito ang naganap na paghihiwalay ng POC sa dapat na trabaho na magpapatakbo sa kinaaanibang Southeast Asian Games Federation (SEAGF) at mismong mga laro sa SEAG.
***

Itataguyod ng Batch 1979 Gregoria de Jesus Elementary School ang 1st GDJES 2019 Grand Reunion sa Gregoria de Jesus Elementary School ground sa Dagupan St., Tondo, Manila sa darating na Sabado, September 21.