Abante Tonite Interactive

Lumagapak sa mall: Tinulak o nahulog?

551

Ito ngayon ang masusing iniimbes­tigahan ng Muntinlupa City Police sa pagkamatay ng isang lalaki matapos itong malaglag sa isang shopping mall sa lungsod kamakalawa ng gabi.

Sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan, namatay noon din ang biktimang tinago sa pangalang Ted, nasa hustong gulang at taga-Tondo.
Sa report na natanggap ng Southern­ Police District (SPD), alas-7:10 ng gabi nang maganap ang insidente sa unang level ng mall sa Alabang, Muntinlupa City.

Sa pahayag ng saksi at saleslady na si Roselyn, habang siya ay abala sa binabantayang store sa unang palapag ay nakarinig siya ng mala­kas na sigaw.
Nang alamin ang pinagmulan ng ingay ay nadiskubre nito ang duguan at wala nang buhay na biktima sa 1st level ng shopping mall, na posibleng nahulog mula sa ikalimang palapag.

Sa ngayon ay hindi pa mabatid ng mga awtoridad ang ugat ng insidente. Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang kapulisan at inaalam pa rin nila kung ito ba ay aksidenteng nahulog o tinulak.
Ang labi ng biktima ay pansa­mantalang inilagak sa Our Lady of Loreto Funeral Homes upang isaila­lim sa awtopsiya. (Armida Rico)