Abante Tonite Interactive

Lumiit na ba ang tingin ng mga Chinese sa mga Pilipino?

BROADCASTER’S VIEW

By
0 186

Hindi dapat palampasin at lalong hindi dapat na balewalain ang ginawang aksiyon ng isang babaeng Chinese sa isang insidente sa MRT station.

Lahat ng mga Pilipino o buong Pilipinas na ang maituturing na binastos ng isang babaeng Chinese National na nakilalang si Jaile Zhang matapos na sabuyan nito ng taho ang isang pulis sa Boni station ng MRT 3.

Ayon sa ulat, si Zhang, 23-anyos ay nagalit dahil sa mahigpit na ipinatutupad na seguridad ng PNP at MRT 3 management laban sa pagpapapasok ng anumang likido at isinaboy ang taho kay PO1 William Cristobal, 39-anyos kung kaya’t ito ay agad na inaresto at nahaharap sa kaso at posibleng maipa-deport.

Abante Hiring – IT dep

Maliwanag na ang ganitong asta at pag-uugali ng ilang Chinese ay bunga na rin ng sobra-sobrang pakikisama at pakikipagmabutihan ni Pangulong Duterte sa China.

Lumilitaw kasi ayon sa pahayag mismo ng Pangulo na natatakot siya na baka giyerahin ng China ang Pilipinas kung magmamatigas sa pag-aangkin sa mga isla sa West Philippine Sea.

Bukambibig ng Pangulo ang kanyang pakikipagmabutihan na bukod sa ayaw nitong maghain ng protesta laban sa China kapag may mga natutuklasan na panibagong pagtatayo ng istraktura sa WPS.

Dapat ay magising ang Duterte administration na may limitasyon ang pakikipagkaibigan sa China at huwag humantong sa kasalukuyang persepsiyon ng maraming Pilipino na tila ibinibenta na sa China ang WPS.

Isang sagisag ng pambabastos sa Pilipinas ang ginawang pagsaboy ng taho sa naka-uniform pa na pulis na hindi man lang natakot at katiting ay walang respeto sa ating mga awtoridad.

Ang Pilipino, kapag nasa abroad ay lubos ang pagrespeto at pagkilala sa kanilang mga awtoridad tulad ng mga pulis kung kaya’t dapat ay ganito rin ang gawin ng lahat ng mga dayuhan na nagtutungo dito sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Duterte administration ay big­lang dumagsa at tumaas ang bilang ng mga chinese na nagtutungo dito sa Pilipinas na nagnenegosyo o nagtatrabaho na at nagsisilbing kakompetensiya pa ng mga Pilipino.

Dapat ay agad na gumawa ng hakbang ang ating Gobyerno na ayusin ang pananaw ng mga dayuhan lalo na ng mga Chinese na huwag abusuhin ang pagkakaibigan natin at lalong hindi ito daan upang maliitin ang mga Pilipino.