Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lupit ng bagyong ‘Vicky’: 5 nalibing sa landslide, 76 bahay inanod

0 342

Lima na ang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyong Vicky.

Una nang naitala na patay ang dalawang indibibwal sa naganap na landslide sa Mahaplag, Leyte kung saan ang mga biktima ay mga senior citizens.

Kasunod nito, 3 rin ang naitalang patay nang malunod sa Surigao Del Sur, ayon na rin mismo kay Gov. Alexander ‘Ayec’ Pimentel.

Tinatahak na ng bagyong Vicky ang direksyon patungong Palawan kung saan inaasahan ang ikalawa nitong landfall, mababawasan naman na ang pag-uulan sa malaking bahagi ng Mindanao, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration(PAGASA).

Ayon sa PAGASA bagamat palayo na ng Mindanao ang bagyo ay makakaranas pa rin ng pag-uulan sa bahagi ng Mindanao at Visayas resulta ng tail-end ng frontal system at ng hanging amihan.

Sabado ng gabi [kagabi] magla-landfall ang bagyong Vicky sa Palawan na huling namataan 220km sa Puerto Princesa, taglay ang lakas ng hangin na 45kph at bugso na 55kph at kumikilos sa bilis na 20kph.

Tinatayang 76 kabahayan naman na nakatayo sa coastal area ng Sitio Apro sa Barangay Ibo, Lapu-Lapu City ang inanod ng malalaking alon dulot ng bagyo, nitong Sabado ng gabi.

Sinabi ni Nagiel Bañacia, head ng city’s Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na dahil sa senaryo ay halos 300 residente ang nilikas sa kalapit na Ibo Elementary School.

Agad din ang mga itong sinaklolohan at binigyan ng libreng pagkain.

Patuloy pa ring nakataas ang gale warning signal sa Northern Luzon seaboard kung saan maaaring umabot ang daluyong ng hanggang 2.5 metro kaya ipinagbabawal pa rin ang paglalayag.

Ang bagyong Vicky ay lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Linggo ng hapon o sa gabi. (Tina Mendoza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.