Abante Tonite Interactive

Lupit ni Yolanda patuloy pa ring iniinda ng mga survivor

AKSYON BEE

By
0 38

Limang taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang malagim na pananalasa ng bagyong Yolanda sa ating bansa, lalo na sa rehiyon naming mga Bisaya.

Napakalupit at napakasakit. Sa isang iglap, mahigit 7,000 buhay ang naglaho.

Mahigit apat na mil­yong bahay naman ang nawasak at parang ali­kabok na winalis nang bayuhin ni Yolanda ang Visayas noong Nobyembre 8, 2013.

Abante Hiring – IT dep

Tapos na ang bangu­ngot pero bakit nagpapa­tuloy pa rin ang trahedya sa mga nakaligtas?

Naghihirap pa rin sila. Marami pa rin ang walang maayos na relokasyon. Substandard ang pabahay. Walang supply ng tubig at kuryente. Walang hanapbuhay.

Sa pag-alala natin sa mga buhay na naglaho, itutuloy natin ang laban para sa kanilang mga naiwan.

Dapat kumilos ang gobyerno para mabigyan ng tulong at tulu­yang makabangon ang mga biktima na limang taon nang naghihintay ng ginhawa.

Hindi tayo maglulubay sa pagbabantay. Titiyakin nating maiibigay ang dapat sa mga biktima at survivor. Dadalhin natin sa korte ang mga dapat pang litisin at maparusahan sa palpak na pabahay para sa mga biktima ni Yolanda.

Huhubaran natin ng maskara at ilalantad ang mga abusadong contractor at mga kasabwat nilang tauhan ng National Housing Authority (NHA) na nagpakapal ng kanilang mga bulsa mula sa maanomalyang hou­sing development program para sa mga biktima noon ng bagyong Yolanda.

Walang mga budhi ang mga taong ito. Namatayan na, nawalan pa ng mga bahay ang mga biktima ng bagyo pero napitikan pa sa pondong nakalaan sana sa kanilang pabahay.

Saan kaya humuhugot ng tibay ng dibdib ang mga ito?

Kitang-kita ang pagsasabwatan dahil sa idinaos nating pagdinig sa Kongreso ay lumabas na substandard o mahinang klase ang mga mater­yales na ginamit sa 2,000 na pinagawang pabahay sa mga biktima ng Yolanda sa tatlong munisipalidad sa Eastern Samar, ang Balangiga, Hernani at Quinapondan.

Bilang chairman ng Committee on Housing and Urban Development, hindi ko palalagpasin ang pagsasamantalang ito.

Manipis ang mga bakal na ginamit sa mga bahay na kabaligtaran sa ipinagmamalaking matitibay at maganda ang kalidad ng mga materyales na ginamit dito.

Anong tibay ang maasahan ng mga kababayan natin sa ganitong uri ng mga mater­yales. Baka habagat lang ay magiba na naman ang mga bahay? Baka muling mabuhay ang takot sa kanilang mga dibdib mula sa sinapit nila sa bagyong Yolanda. Hindi po ito imposibeng mangyari.

Ramdam ko ang bigat sa dibdib ng mga kapwa ko Bisaya. Mahirap at lalong masakit ang mawalan ng mahal sa buhay.
Walang maghahangad na maranasan ang sinapit ng mga biktima at survivor mula sa malagim na bangungot na iyon.

Mga Pilipino tayo, dapat ay nagdadamayan tayo lalo na sa oras ng kagipitan at trahedya. Ang pagdadamayan sa isa’t-isa ang ipinagmamalaki nating katangian ng mga Pinoy.

Hindi natin dapat pinagkakakitaan ng pera ang trahedya ng ating kapwa. Kaya sa mga taong walang puso na ginawa pang hagdan ang kahirapan ng iba para magpataba ng bulsa, humanda kayo at may paglalagyan kayo!