Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Luwag quarantine

0 110

UNTI-UNTI nang bumabalik sa normal ang buhay natin sa kabila ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19.

Nitong Sabado, Setyembre 12 ay umakyat sa halos 5K ang panibagong kaso.

Sa kabila ng lahat ng ito ay mukhang desidido na ang gobyerno na unti-unting magluwag sa quarantine status. Patunay ang pagdadagdag ng mga pasahero sa mga tren at jeepney o ang pagluluwag sa physical distancing.

Maliban sa pagdagdag ng mga pasahero sa MRT, LRT at jeepney ay nagdagdag na rin ng 28 dagdag ruta ng jeepney sa Metro Manila.

Bahagi raw ito ng transition sa new normal kung saan ay unti-unti nang lumalabas ng bahay ang karamihan para pumasok sa trabaho.

Bilang mga mamamayan wala tayong magagawa dahil ito talaga ang misyon ng pamahalaan ang magbalik sa normal ang lahat lalo na’t marami na ang dumadaing sa paghihirap.

Nasa atin na lamang ang aksyon para makaiwas sa salot na virus.

Gawin natin ang lahat ng pag-iingat upang hindi tamaan ng COVID.

Katulad ng nakasanayan natin nitong panahon ng pandemya. Huwag nang lumabas ng bahay kung wala namang importanteng pupuntahan.

Kasabay ng tuloy-tuloy na pagtupad sa health protocol, mayroon man o walang nakabantay sa atin.

***

Sa panig naman ng ilang negosyong makikinabang sa pagluluwag na ito ng pamahalaan ay nakikiusap tayo. Sumunod naman kayo sa mga ipinatutupad na health protocol. Huwag ninyong isakripisyo ang kaligtasan ng inyong mga customer kapalit ng malaking kikitain sa negosyo.

Sa mga pampasaherong transportasyon na hahayaang magbalik-pasada kasabay sana ng hangad ninyong muling kumita ay maging istrikto kayo sa pagpapatupad ng health protocol.

Lingid kasi sa kaalaman ng LTFRB maraming pumapasadang pampasaherong jeep ngayon na mayroon ngang mga plastic bilang separator pero wala namang distancing sa kanilang mga pasahero.

Ang pangamba natin ngayon, papaano pa kaya ang kung mas marami ng pasahero ang sasakay dahil sa unti-unti nang pagluluwag ng quarantine status lalo na sa Metro Manila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.