Abante Tonite Interactive

Ma-chika na gov’t employee tinaga

229

Dahil sa umano’y pagpapakalat ng kung ano-anong tsismis, patay ang isang emple­yado ng kapitolyo ng South Cotabato matapos itong pagtatagain ng kanyang katrabaho sa loob mismo ng capitol compound kahapon.

Kinilala ang biktimang si Ronelo Lumawag, 43-anyos, uti­lity worker na nakadestino sa Provincial Capitol Accounting office. Ito ay nagtamo ng mga taga sa katawan at idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

Nadakip naman ang suspek na si Ric Villa, 59, utility worker din ng kapitolyo na nakadestino naman sa Provincial General Service Office.

Sa ulat ni Lt. Col. Rey Egos, ng Koronadal City police station, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga.

Naglilinis ang biktima nang lapitan ng suspek na armado ng jungle bolo, sinubukan pang tumakbo palayo ng una subalit inabutan siya ng huli at pagtatagain.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, matagal nang alitan ang ugat ng krimen. Inaakusahan umano ng suspek ang biktima na nagpapakalat ng mga kung ano-anong tsismis dahilan upang hindi na ma-renew ang kontrata ng kanyang pamangkin na isa sa mga security escort ni Gov. Reynaldo Tamayo Sr.

Lumalabas din sa ulat na alas-kuwatro pa lang nang madaling-araw ay matiyaga nang hinintay ng suspek ang biktima sa compound ng kapitolyo.(Edwin Balasa)