Abante Tonite Interactive

Maaaring ilipat sa pangalan ng buyer

266

Magandang araw Attorney Claire, may katanungan lamang po ako. May binebenta po kasi sa akin na lupa pero ang titulo ay nakapangalan sa tatay niya sa unang page bilang may-ari. Sa pangalawa pong page ay nakalagay na doon ang pangalan nu’ng nagbebenta bilang may-ari rin.

Ang nagbabayad po ng tax ay ang tatay niya. Mayroon po ba siyang karapatan na ibenta ang lupa? Paano po kapag may SPA siya galing sa tatay na binibigyan siya ng kapangyarihan kung ano man ang balak niya sa lupa? Maaari po ba namin itong iparehistro sa pangalan namin?

Maraming salamat po,
Gladys

Ms. Gladys:

Ang property ay luma­labas na co-owned ng tatay niya at nu’ng nagbebenta sa iyo. Kung maliwanag kung ano ang parte niya at kung anong partikular na boundaries ay maaaring mabenta ito at hindi ka mahihirapan na mailipat ito sa pa­ngalan mo lalo na kung ibibigay sa iyo ang co-owners duplicate copy of title ng lupa. Kung wala kasi siyang hawak ng co-owners duplicate of title ay manghihiram pa kayo ng titulo sa tatay niya.

Kung hindi pa nahati nang partikular ang lupa at wala pang boundaries ang kanya-kanyang lupa ay mabibili mo lang ang undivided at unspecified portion ng lupa kaya’t kakailanganin pa rin kausapin ang tatay niya para magkaroon kayo ng usapan ng parte ng nagbebenta sa iyo.

Ngunit kahit wala pa namang specific na parte ang nagbebenta sa iyo ay may karapatan siyang magbenta pero mas mainam talaga na kausapin ang tatay niya bago mo bilhin para malaman mo kung may problema ba sila kung sakaling bibilhin mo ang parte ng nagbebenta sa iyo at bilang paggalang na rin sa tatay niya.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8922-0245 o 8514-2143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.