Maagang Christmas break
Namumurong mapaaga ang bakasyon ng mga mag-aaral sa Disyembre kapag kinasahan ng Department of Education (DepEd) ang hirit ng isang senador.
Sinabi kahapon ni Sen. Grace Poe na kakausapin niya si DepEd Secretary Leonor Briones sa Lunes para hilingin na agahan ang Christmas break dahil sa inaasahang bibigat ang daloy ng trapiko sa Kapaskuhan.
Kahapon sana ihahain ni Poe ang proposal sa pagdinig ng Senate committee on public services sa emergency power sa Pangulo para maresolba ang traffic crisis sa Metro Manila pero walang pinadalang kinatawan ang DepEd.

“Sa Lunes tatanungin ko si Sec. Briones baka naman pwedeng payagan ang mga paaaralan na agahan ang Christmas vacation para hindi na sabay-sabay sa lansangan lahat ng mga.. ang sasakyan ng mga bata, Pwede na rin sila magpahinga kasama ng kanilang pamilya,” ayon sa senador.
“Kasi kung aagahan natin ang bakasyon puwede naman bawiin in the coming months na hindi naman ganoon ka-busy ang ating mga kababayan,” paliwanag pa niya.
Sa isinagawang presentasyon kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa komite, wala pang linaw kung kailan luluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.