Abante Tonite Interactive

Maagang pamasko

215

KAKAPASOK pa lang ng 2019 pero may maagang pamasko agad para sa mga poker pla­yers natin ang Metro Card Club sa Ortigas.

Habang binabasa ninyo ito ay nasa final day na ang P500K guaranteed event ng Metro na nagsimula noong Biyernes. Sayang nga lang at may lakad ang inyong lingkod ngayong weekend kaya hindi tayo nakasali sa unang poker event ng taon.

Magandang warm up din ang Metro event na ito para sa unang pasabog ng PokerStars ngayong taon – ang Super Series 10 na nakatakda mula sa Enero 7 hanggang 13 sa Okada.

Unang nakalinya sa Super Series 10 ang P1M guaranteed event nito at ang highlight siyempre ay ang main event na may garantisadong premyo na P3 million.

Swak din sa budget ang mga events nga­yong Enero. Ang Metro event ay P2,000 lang ang entry fee, P6,000 naman sa P1M guaranteed event ng Super Series 10 at P12,000 sa main event nito.

Hindi talaga matagal nababakante ang mga poker players natin kaya naman masasabi nating buhay na buhay ngayon ang career ng ating mga poker professional. Tiyak na dudumugin ng mga ito ang mga paunang event ngayong taon. Iba na siyempre kapag nakauna ka.

Siyempre pa, gusto rin ng mga manlalaro na makaungos agad sa Asia Player of the Year (APOY) race ng PokerStars. Ang kababayan nating si Mike Takayama ang reigning APOY kaya sigurado na maraming foreign pla­yers ang magtatangka na maagaw sa ating bansa ang korona.

Pero tiyak na mahihirapan sila dahil hindi lang si Takayama ang ating pambato sa poker. Katunayan, ang top three sa APOY race noong 2018 ay puro mga Pinoy.