Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maagang paramdam

0 252

Nangangalahati pa lang ang taon ay may mga maagang nagpaparamdam na para sa 2022 elections.

Halos araw-araw ay may mga trapong politiko ang nagme-“mema” o may masabi lang sa social media at sumasakay sa mga isyung kung tutuusin ay hindi naman kailangan ang kanilang opinyon.

Pero dahil nga mayroong freedom of expression o kalayaang maghayag ng pananaw o saloobin sa mga nagyayari sa paligid o sa bansa, ay malaya nilang nagagawa sa iba’t ibang digital platform.

Pero sa pananaw ng isang ordinaryong Juan dela Cruz, mapapaisip ka dahil matapos ang kanilang termino at pananahimik ay heto at bumubuka na naman ang bibig ng mga trapong politiko para sumakay sa mga isyung kung tutuusin ay wala namang pakinabang ang publiko. Simpleng ingay para mapansin.

Paboritong pagpiyestahan at pag-aksayahan ng laway ng mga dating politiko ang dinaranas na COVID pandemic ng mga tao at kulang na lang ay ipako sa krus ang mga nakaupo sa puwesto para palitawing walang ginagawa ang gobyerno sa dinaranas na sakripisyo at paghihirap ng mga tao.

Pero kung iisipin, ano ba ang nagawa at iniwang pamana ng mga dating pulitikong ito sa mga Pilipino? Walang magrerehistro sa isipin kundi ang mga kontrobersiyang kinasangkutan nila noong sila ay nasa puwesto.

Pero kung makapagsalita sila ngayon sa publiko ay akala mo mga anak ng tupang nagmamalasakit sa mga Pilipino na hindi nila ipinaramdam noong sila pa ang mga lingkod bayan.

Huwag na sana tayo magpadala sa mga ganitong estilo ng mga trapong pulitikong nais makabalik sa puwesto dahil wala namang naging pakinabang sa mahabang panahong ipinagsilbi nila sa bayan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Daig pa nila ang mga multo sa mabilis na pagpaparamdam gayong malayo pa ang araw ng mga patay.

Para saan ba ang pag-iingay ng mga trapong ito habang ang buong bansa ay dumadaan sa matinding pagsubok sa panganib ng COVID-19?

Matutuwa pa siguro ang publiko kung tahimik na tutulong ang mga dating politiko sa mga mamamayang hirap na hirap itawid ang isang araw para may maipakain sa kanilang pamilya.

Mas hinahangaan ko ang mga ordinaryong Pilipino na kahit salat sa salapi at pangangailangan ay pilit pa ring tumutulong sa kapwa sa pamamagitan ng bayanihan.

Kung mapapansin ninyo, mayroon bang mga pulitiko , lalo na ang mga kritikong kasalukuyang nasa puwesto ang nabalitaan o nakitang boluntaryong umalalay at nag-abot ng suporta sa mga mahihirap na sektor ng lipunan? Wala di ba? Karamihan ay ini-enjoy ang benepisyo ng mahabang lockdown para magpahinga at magpahinog at mag-isip kung paano ang gagawing gimik para sa kanilang re-eleksiyon.

Pero mulat na ang mga tao lalo na ang mga botante kaya tiyak na sa kangkungan na pupulutin ang mga pulitikong walang ipinakitang pakinabang at malasakit sa mga Pilipinong nagluklok sa kanila sa puwesto.

Malayo pa ang eleksiyon kaya sa halip na magparamdam at sumakay sa mga isyu para sa libreng publisidad at para magkaroon ng ” name recall”, mga sir, ma’am tumulong na lang muna at dumamay sa mga kababayang nangangailangan ng tulong ngayong panahon ng pandemya. Malay nyo baka matuwa ang mga tao sa inyo at makabalik kayo sa puwesto!

Leave A Reply

Your email address will not be published.