Abante Tonite Interactive

Maagang takutan

By
1,555

Ilang buwan pa bago ang takutan season na Halloween pero ngayon pa lang ay marami na ang nininerbiyos. Hindi dahil sa mga lamang-lupa, multo o ligaw na kaluluwa kung hindi dahil sa mga buraot na halang ang kaluluwa.

Sabi ng nerbiyoso nating kurimaw, hindi niya malaman ang gagawin kapag gumi­mik siya sa gabi dahil pakiramdam niya ay hindi siya safe. Para bang gaya sa mga katatakutang pelikula na pagsapit ng gabi ay baka may ma­nananggal, bampira o taong-lobo na bigla na lang sasakmal sa’yo at kukunin ang iyong dugo o laman-loob.

Pero hindi dugo o laman-loob mo ang posibleng mawala sa iyo kapag minalas-malas ka sa gabi kung hindi ang mga mamahalin at pinaghirapang gamit mo. At kung talagang ubod ng malas, baka pati ang buhay mo eh matangay. Mabuti sana kung ‘infected’ lang sila na kakagatin ka lang at magiging halimaw pero buhay pa rin. Kaso hindi, sa tunay na buhay ay puwede kang matodas.

Sa nakaraang mga linggo, ilang kainan na ang sinasalakay ng mga alagad ng kadiliman. Pero hindi sila nakasuot ng itim na damit na may kapa kundi mga helmet lang at may dalang ba­ril. Wala rin silang pak­pak at hindi sila lumulu­tang kung hindi nakamotorsiklo lang. Pero gaya ng mga karakter sa pelikula ng kababalaghan, bigla rin silang nawawala kapag natangay na nila ang mga mahahalagang gamit ng mga biktima nilang kostumer sa mga kainan at pati na ang mga car wash shop.

Kung hindi ka naman mabibiktima sa mga kainan, puwede ka ring maholdap ng mga kolokoy na nakamotorsiklo sa gilid ng kalsada. At kung tropa kayo na magkakasama sa gilid ng kalsada, baka masita naman kayo ng mga pulis at pagkamalang mga tambay. Dadalhin sa presinto, ikukulong at magugulpi ng mga ibang bilanggo.

But wait there’s more. Kung nais mo namang maniguro na iwan na lang sa kotse ang mga gamit mo kapag pumasok sa mga kainan para hindi ka matangay ng gamit ng mga holdaper, ang problema, baka mabiktima ka naman ng basag-kotse gaya ng aktres na si Patricia Javier.

At kahit pa nga kontra-krimen ang isa sa mga pangunahing tinututukan ng gobyerno, lumabas pa rin sa survey ng Social Weather Station na nasa 1.5 mil­yon pamilya ang nabiktima ng tinatawag ‘common crime’ [kasama na ang pandurukot, pagnanakaw, carnapping, at pananakit] sa unang anim na buwan ng 2018.

Bagaman mas mababa pa rin naman ang nasabing datos kumpara sa naitala noong Disyembre, kapansin-pansin na tumaas ang bilang ng mga pag-atake ng mga kawatan sa Metro Manila ang iba pang bahagi ng Luzon. Kahit nga sa mga mall, naglipana ang mga hinayupak na salisi gang na parang multo na nag­lalaho kapag nakasikwat na ng bag ng kanilang mga biktima.

At papaano rin makatitiyak ang publiko na iisang grupo lang ang umaatake? Papaano kung magkakaibang pangkat ang mga kolokoy? Aba’y kung tatlong pangkat sila na may tig-anim na miyembro, ibig sabihin, may 18 buraot na umiikot sa Metro Manila na naghahanap ng kanilang lalapain? At kung may nahuli silang tatlo o apat, aba’y kayo na ang magkuwenta kung ilan pa ang natira.

Pero hindi lang ang mga karaniwang tao ang nahihintatakutan nga­yon kahit malayo pa ang Halloween. Marami ring lokal na opisyal tulad ng mga alkalde ang natatakot sa kanilang kaligta­san na baka bigla silang karitin ni ‘Kamatayan’ gaya ng magkasunod na pagpatay kina Tanauan Mayor Antonio Halili at General Tinio Mayor Ferdinand Bote.

Ibig sabihin lang nito, kailangan pang magpursige ang pulisya na ma­ging pro-active sa paghuli sa mga kriminal at hindi lang reactionary gaya ng sabi ni Senador Ping Lacson. Ibig sabihin, dapat masakote na ang mga alagad ng kadiliman bago pa sila makagawa ng kababalaghan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”