Abante Tonite Interactive

Maari bang magkaroon ng COVID -19 ang mga aso?

0 806

Hello mga PETmalu!

Sana po ay maayos kayo at ang inyong mga pets sa Enhanced Community Quarantine. Alam kong maraming fake news tungkol sa COVID at pets kaya susubukan ko pong linawin sa inyo ang isyu na ito.

Makukuha ko ba ang COVID sa aking pet?

Ayon sa CDC o Centers for Disease Control and Prevention sa USA, bagama’t may ebidensya na galing sa animal source ang COVID, ito ay kumakalat lamang from person-to-person. Wala po tayong dahilan para isipin na ang ating mga doggies ay maaring maging source ng nasabing virus. Gayunpaman, ayon sa CDC, kailangan maghugas pa rin ng kamay bago at pagkatapos nating hawakan ang ating mga pets.

Tutoo ba na may dalawang aso sa Hong Kong na nagkaroon ng COVID -19?

Oo. Ang unang kaso ay isang 17-year-old Pomeranian. Weak positive ang unang test nito pero wala naman itong sintomas. Pagkalipas ng ilang araw sa quarantine, nag-negative ng dalawang beses ang aso kaya ito ay pinauwi na.

Sa kasamaang-palad, nang makauwi na ang nasabing aso, namatay naman ito pagkatapos ng tatlong araw. Bagaman hindi pumayag ang may-ari na ipa-autopsya ang aso, ayon sa isang report mula sa South China Morning Post, malamang namatay ang Pomeranian dahil sa katandaan at mga underlying conditions.

Ang pangalawang kaso ay isang 2-year-old German Shepherd. Weak positive din ito sa COVID -19 at tulad ng Pomeranian, walang itong sintomas. Sa kasalukuyan, ang nasabing aso ay naka-quarantine.

Paano nalaman ng mga awtoridad na may Covid-19 ang mga asong ito?

Dahil ang mga may-ari nila ay nagkaroon ng Covid, minabuti ng mga opisyales ng Hong Kong na i-test ang mga aso nila. Ayon sa Agriculture, Fisheries and Conservation Department ng Hong Kong ito ay possibleng mga kaso ng human-to-dog transmission ng Covid-19.

Gayunpaman, iginigiit ng World Health Organization na hindi pa rin ito matibay na ebidensya na maipapasa natin ang virus sa mga aso.
Maari ko bang ipa-test ang aking aso para sa COVID?

Dito sa Pilipinas, hindi. Pero sa America, nag-test na ng libo-libong aso’t pusa ang IDEXX Laboratories ngunit wala pa silang nakikitang pet na may COVID. Ang mga resultang ito ay sumasang-ayon sa paniniwala ng mga siyentipiko na ang COVID ay isang sakit na pantao lamang.

Sana malinaw po ang aking paliwanag. Safe na safe po ang ating mga alaga sa COVID -19 at hindi din tayo panganib sa ating mga furbabies!
Pawsitively yours,
Joyce