Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maaring ‘di mo na kailangan ng Sildenafil

0 113

Pagsapit ng edad 30 pataas, bumababa ang konsentrasyon ng testosterone sa mga kalalakihan ng tinatayang isang porsiyento kada taon.

Ang mababang testosterone na tinatawag na androgen deficiency ay kadalasang nauugnay sa masamang kalusugan ng lalaki kabilang na ang maagang pagkakaroon ng type 2 diabetes, high blood, sakit sa puso, pagtaba at maging dahil sa depression. Maaari ring bunga ito ng sobrang paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Bagaman at mayroong hormone replacement therapy para sa mga kalalakihang bumababa ang testosterone level, kontrobersiyal pa rin ang paggamit nito lalo na kung may kasalukuyang problema sa prostate ang lalaki, mataas ang kanyang hematocrit o may mataas na panganib ng sakit sa mga ugat na dinadaluyan ng dugo.

Kaya naman sinusubukan ang paggamit ng mga herbal medicines o natural na mga halamang gamot para matulungan ang mga bumababa ang testosterone at sumusuko na sa laban.

Isa sa mga popular ay ang red ginseng, ang ugat na halamang kadalasang nakikita sa mga malalamig na lugar tulad sa Korea, Northeast China, Far East Russia, Canada at United States. Mayroon din namang nabubuhay sa medyo mainit na klima tulad ng Southwest China at Vietnam.

Sa sampung pag-aaral na isinagawa, nakakatulong ang red ginseng na tinatawag ding Panax ginseng sa paggising sa natutulog na damdamin (sexual arousal) at pagtindig ng kayamanan ng lalaki dahil sa taglay nitong nitric oxide. Nakakatulong kasi ito sa sirkulasyon ng dugo at nare-relax ang muscles sa bandang ibaba ng lalaki. Ang karaniwan lang side effect ng red ginseng na kaya namang tiisin ay pananakit ng ulo at pananakit ng tiyan. Huwag nga lang iinom o kakain ng red ginseng kung mayroong kasalukuyang iniinom na gamot pampalabnaw ng dugo.

Ang maca ay isa ring halamang ugat na ginagamit noong unang panahon para magkaanak ang mag-asawa at mas mabuhay ang kanilang damdamin. Sa isang pag-aaral, nakitang isang natural na aphrosidiac para sa mga lalaki ang Maca. Gayundin, may ebidensiya na malaki ang naitutulong nito sa mga umiinom ng anti-depressant, para maibalik ang libido ng mga lalaki.

Ang Fenugreek naman ay isang popular na alternative medicine para makatulong sa pagtaas ng libido. Mayroon kasi itong estrogen at testosterone na nakakatulong sa paggawa ng sex hormones. Sa inilathalang pag-aaral sa pubmed.gov, ang may 120 lalaking middle-aged at mas matanda pang kalalakihan ay binigyan ng 600 mg. ng fenugreek extract araw araw. Ang resulta, gumanda ang sexual function at tumaas ang kanilang testosterone level. Pati ang mga babaeng binigyan ng ganito karaming fenugreek araw-araw ay nag-improve din ang pagnanais na makipagtalik. Kaya lamang, hindi rin ito rekomendado sa mga umiinom ng gamot na pampalabnaw ng dugo tulad ng warfarin.

Ilang libong taon na ring ginagamit sa India ang Ashwagandha na nakakatulong para sa mga lalaking hindi makabuo at bumababa ang lebel ng testosterone. Tumaas ng 18% ang DHEA-S, isang sex hormone na may kinalaman sa testosterone production, ng may 43 matatabang kalalakihan na uminom ng tableta ng ashwagandha extract sa loob ng walong linggo. Napataas din nito ang sperm concentration at paggalaw ng semilya sa mga lalaking normal ang sperm count, ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa pubmed.gov.

Pero kailangan pa ring kumonsulta sa inyong doktor, partikular sa mga urologists, kung binabalak ninyong uminom ng mga halamang gamot na ito. Makinig sa Radyo Klinika sa DWIZ 882 KHZ AM para sa libreng payo ng mga urologist-surgeons tuwing Martes hanggang Biyernes 7:00 – 8:00 pm.

Leave A Reply

Your email address will not be published.