Abante Tonite Interactive

Maayos at malusog na bato

413

Maayos at malusog na pamumuhay ang pangunahing paraan para mapanitili ng isang tao ang normal na kondisyon ng kanyang vital organs, partikular ang kidney o bato.

Ito ang binigyang diin ng isang nephrologists, ang doktor sa bato saan sinabi nito na kadalasang pinag-uugatan ng sakit sa bato ang iba’t ibang uri din ng sakit tulad ng diabetes, hypertension, pamamanas, urinary tract infection.

Dahil dito, ipinaaalala ng nephrologists na dapat maging maingat ang publiko sa pagpili ng kanilang mga kinakain at dapat sapat lamang ito sa pang-araw-araw na kailangang sukat ng katawan.

Tinumbok nito ang ilan sa mga dapat iwasan gaya ng mga pagkaing sobrang maaalat, matataba o mamantika at matatamis.

Maging ang paninigarilyo ay dapat iwasan at ma­kabubuti sa katawan ang regular na pag-eehersisyo.

Biigyang-diin din ng doktor na makabubuting regular na magpapatingin sa doktor at sumailalim sa urinalysis o pagpa­patingin ng ihi kahit minsan sa isang taon, upang maiwasan ang posibleng paglala ng mga sakit.

Ang sakit sa kidney ay maaaring may makikitang sintomas o wala at malalaman na lamang ito kung kailan huli malala na.

Kaugnay nito, nilinaw ng doktor na base sa scientific research, walang kaukulang pag-aaral ang sinasabing nakagagamot sa mga may sakit sa bato ang pag-inom ng sabaw ng buko dahil mataas ang potassium at sugar content nito kung kaya’t mas lalo pang makasisira ang pag-inom nito sa halip na makatulong sa mga taong may sakit na sa bato at dia­betes.

Maging ang pag-inom din ng tubig ay dapat nang bawasan at hindi lalampas sa isang litro sa buong araw sakaling hindi na normal ang trabaho ng bato sapagkat hindi na umano nito makakayang ilabas pa ang tubig.

Kaugnay nito, mahigpit na ipinapayo sa publiko, anuman ang edad, na pag-ibayuhin ang pag-iingat at dapat pangalagaan ang mga bato dahil ito ang pangunahing bahagi ng katawan na naglalabas ng mga lason sa katawan.