Abante Tonite Interactive

Maayos na buhay hindi lang para sa iilan

By
1,280

Maliit lang iyung bahay niya. Halos mga apat na metro kwadrado ang sukat. Isang maliit na eskinita ‘yung dinaanan ko para makarating du’n. ‘Yung kitid ng daraanan, hindi puwedeng may kasalubong. May maliit na pintong sasalubong sa iyo.

Pagpasok ko, naabutan ko siyang natutulog. Andu’n iyung anak niyang lalaki. Family driver ang trabaho ng anak. Tinitingan ko si nanay, nakaratay. Nasambit ng anak na 63 years old na pala siya… bed ridden kasi na-stroke.

Sinenyasan ko iyung kasama ko na ‘wag nang kumuha ng documentary.

Abante Hiring – IT dep

Kausapin ko lang para malaman kung ano ang puwedeng gawin… ano ang puwedeng itulong.

“Pinagawa ko po itong bahay mayor… umutang po ako sa SSS. Kung inabutan niyo ito nu’ng una, basura po ito.” Niligid ko ‘yung mata ko para tingnan ang lugar. Hindi siya natapos… bitin. May siwang pa ang langit para matanaw.

Pero naisip ko, isang malaking accomplishment na itong taong kausap ko. Ramdam ko ‘yung pride niya na nagawa niya ‘yun.

Nagising si nanay. Nakilala ako… tas ngumiti. Hinagod ko ang ulo… iyun kasi ‘yung paraan kong nakasanayan. Umiyak siya nang bahagya kaya sinimulan kong magpatawa. Para mabago ang mood ni nanay. Andu’n naman ako para tumulong at bumisita… hindi para pasamain ang loob niya.

Stroke victim si nanay. 3 years nang nakahiga. Labing-isa ang anak niya. Ang dami, kung tutuusin. Pero tatlo lang raw silang nagpapalitan para tulungan si tatay na alagaan ang pasyente.

Sabi nu’ng lalaking anak na kausap ko: “Mahina ako sa ganito, mayor. ‘Yung pagpapalit ng lampin, inuupa ko na lang minsan kasi mahirap talaga. Tas ‘yung iba kong mga kapatid, hindi makapunta dahil busy sa kanilang mga sari-sa­riling buhay. Kaming tatlo lang ang nagpapalitan para tulungan si nanay.”

Bat ba ako napunta ru’n? Dahil na naman sa Facebook. May isang babaeng nag-post na pinadadalaw ako dahil maysakit ang kanyang biyenan. Nasked ko siya pero nagkabuhol-buhol hanggang sa matuloy ang lakad ko isang Sabado nang tanghali.

Nagbigay ako ng kaunting tulong kasi maraming bilihing gamot. Tas pinangako na sa Lunes, darating sa bahay nila ang physical therapist ng munisipyo para ma-rehab siya at makalakad kung kakayanin. Iba ang pakiramdam na nakaharap ka sa sitwasyong ganito. Mainam pa rin pala kahit mahirap. ‘Wag lang may karamdaman. Masuwerte pa rin ang marami sa atin na gumagalaw at walang sakit.

Naisip ko marami pang nasa ganitong kalagayan… gobyerno sa dulo ang huling tutulong para maisaayos ang kalagayan nila. Hindi naman ako doktor… pero nagdesisyon ako na magtatayo tayo ng Cardiac Center sa ospital sa darating na 120 days. Mamimigay tayo ng maintenance drugs sa lahat ng maysakit sa puso.

Babawasan natin ang probabilidad na mangyari ito sa maraming tao. Resident cardio­logist ang titingin sa mga mag-e-enroll sa programa. Palalawakin natin ang physical therapy ward para may mapuntahan ang mga post stroke patients.

At tuloy pa rin tayo sa pag-ikot para isabuhay na ang maayos na buhay ay hindi lang para sa iilan.