Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maayos na katawan, maayos na isipan

0 145

Sa mga nagdaang buwan ng pagharap natin sa pandemya ay naging normal na sa atin ang pagsusuot ng mask, physical distancing at paghuhugas ng kamay dahil sa banta ng virus.

Marami na rin tayong kaalaman mula sa siyensiya at pag-aaral ng mga eksperto tungkol sa epekto ng COVID-19 sa ating pisikal na kalusugan, paano ito kumakalat at maging mga health measures kung paano ito mapipigilan at maiiwasan.

Sa kabilang banda, ang diskurso at pag-address sa mental health concerns ay kailangan ding aktibong tutukan ng gobyerno, komunidad, pamilya at ng ating sarili.

Ang mga lockdowns, isolation, community quarantine, takot na magkasakit tayo at ang ating mga mahal sa buhay, pangangamba sa kawalan ng trabaho at paninibago sa limitadong pakikipagkita sa pamilya at mga kaibigan ay lubhang nakakaapekto sa ating mental health. Ang pagkakaroon ng ganitong mga isipin ay maaaring mauwi sa depression o delikadong gawain tulad ng drug abuse.

Dahil dito, mahalaga na hindi lamang kaligtasan ng physical health mula sa COVID-19 at iba pang sakit ang nabibigyan ng atensyon. Importante rin na pagtuunan ng pansin ang mental health.

Bilang Healthy City at tagataguyod ng Caring Community na parehong parte ng 10-point agenda ng Taguig, naniniwala ang lungsod na ang mental health tulad ng physical health ay mahalagang bahagi ng ating pagkatao. Anumang problema patungkol dito ay dapat agad na matukoy at matugunan.

SM food to go Banner Ad

Sa ikalawang linggo ng Oktubre ay ipagdiriwang ang National Mental Health Week. Para bigyang diin pa ang kahalagahan nito, kasalukuyang pinaghahandaan ng Taguig ang virtual launch ng mental health programs bilang pakikiisa sa selebrasyon. Maraming pagpaplano ang mental health coordinators ng lungsod para dito.

Mayroon ding Mental Health Support Teleconsultations ang Taguig para sa lahat ng may mga mental health concerns tulad ng anxiety, stress at depression. Bago pa ang pandemya ay mayroon nang mga psychiatrists at psychologists ang lungsod. Kaya naman noong nagsimula ang lockdowns at community quarantine ay nakahanda na silang makinig at tumulong sa mental health concerns ng mga Taguigeños. Hinihikayat ang mga Taguigeños na tawagan ang hotline numbers na bukas mula Lunes hanggang Biyernes. Makikita ang mga detalye sa I Love Taguig Facebook page.

Maging ang mga kabataan ng Taguig ay tumutulong sa lungsod sa adbokasiya ng mental health awareness. Sa pangunguna ng Taguig Sangguniang Kabataan ay nagsagawa ng mga mental health webinars sa Taguig YouthCon 2021 noong huling linggo ng Agosto.

Sa katatapos na Councilors’ Week ngayong Setyembre, nagkaroon ng mental health talks na pinangunahan ng Taguig City Health Office at mga councilors ng lungsod. Makabuluhan ang naging diskusyon ng mga sanhi ng mental health concerns at kung paano tugunan ang stress, anxiety o pagiging overwhelmed lalo na ng mga nagkakasakit. May mga tips din kung paano makakaahon sa COVID-19 katulad ng wastong ehersisyo, paglahok sa recreational activities, relaxation techniques at pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga.

Ngayong marami sa atin ang natatakot at nangangamba, manatili pa rin tayong maging mabuti sa ating mga sarili at sa mga nakapaligid sa atin. Regular na makipagusap sa ating pamilya, katrabaho, kaibigan at mga mahal sa buhay. Malayo man sa isa’t isa, mangamusta tayo, virtual man o physical.

Ingatan natin ang ating kalusugan. Pakinggan at tulungan natin ang isa’t isa. We heal as one!

Leave A Reply

Your email address will not be published.