Abante Tonite Interactive

Mabaho at maduming family home

563

Napanaginip ko po ang bahay namin sa probinsya na matagal na naming ibinenta na. Sa panaginip ko, pumasok daw ako sa pinto at ang una kong nakita ay ang kuya ko na nasa sala.

Ang kuya ko po ay patay na pero sa panagi­nip ko ay buhay siya. Sa pagitan po ng sala at kusina ay nakita ko naman ang ama ko na nakahiga. Sa aktuwal po, ang ama ko po ay na-confine sa ospital noong nakaraang linggo pero nakalabas na po. Pumasok naman daw ako sa kwarto at nakita ko naman doon ang a­king ina na naglilinis at sa kabilang kwarto daw po ay nakita kong mada­ming pusa. Nakahiga ang mga pusa na karamihan at kulay puti habang ang iba ay may batik na brown. Napakabaho ng kuwarto na iyon at puro dumi ng pusa. Nakita ko rin ang CR at ang baho din daw po dahil sa dumi ng pusa. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko.

Ang iyong panagi­nip tungkol sa dati mong bahay na naging tirahan mo at ng iyong pamilya sa panahon ng iyong kamusmusan ay indikasyon na nagiging pokus ng iyong isip ang nakaraan. Maari rin naman itong indikasyon na pinag-iisipan mo na ang mag-move on mula sa iyong nakaraan.

Sa iyong panaginip, nakita mong marumi ang bahay mo, maraming­ dumi ng pusa kaya naman kung ikaw ay nag-iisip sa iyong nakaraan, posible itong maikonek sa mga bagaheng bahagi ng iyong nakaraang buhay. Kung ang iyong nakaraan ay puno ng mga masalimuot ng pangyayari at ito’y gusto mo nang tuluyang talikuran, maaari mong maikonek ang bahagi ng iyong panaginip kung saan marami kang nakitang nagkalat na dumi ng pusa.

Posibleng sa aktuwal na buhay ay patuloy na nagpapabigat ang iyong nakaraan kaya naman ibinalik ng iyong subconscious ang dati mong bahay.

Ang iyong mga magulang naman ay sumisimbolo sa responsibilidad. Maari itong ikonek kung sa aktuwal na buhay ay nahaharap ka sa isang pagdedesisyon pero natatakot ka sa mabigat na responsibilidad na naghihintay sa iyo.

Related Posts

Kulambo

Posible rin namang ang iyong panaginip tungkol sa magulang mo ay na-trigger lamang dahil sa pagkakasakit ng iyong ama na kalalabas pa lamang ng ospital. Ang pagkakasakit ng isang kapamil­ya ay laging may kaakibat na responsibilidad tulad halimbawa sa pinansyal. Posibleng dahil sa pagkakasakit ng iyong ama ay alam mong kailangan mong tulungan siya at ang iyong ina para sa kanilang pinansyal na pangangailangan. Kung ganito ang sitwasyon mo, posibleng ito ang res­ponsibilidad na nakikita mong magkakaroon ng malaking epekto sa buhay mo.

Ang iyo namang namatay na kapatid na nakita mo sa iyong pana­ginip ay maaring konektado sa pag-aalala mo sa kalagayan ng iyong ama.

Pag-aralan mo ang kasalukuyan mong sitwasyon. Alamin kung saan nanggagaling ang iyong worries. At alala­haning anumang responsibilidad ang naghihintay sa iyo, maraming paraan­ upang ito’y magampa­nan.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panagi­nip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.