Abante Tonite Interactive

Mabigat ang kapalpakan ng Phisgoc-Cayetano

0 451

Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga delegado sa 30th Southeast Asian (SEA) Games dahil sa mga kapalpakang naganap sa preparasyon ng Pilipinas ilang araw bago pa man pormal na nagsimula ang palaro.

Sa panayam sa kanya ng CNN Philippines Biyernes nang gabi, sinabi ng Pangulo na hindi maaaring balewalain ang mga kapalpakan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc)
Bagama’t hindi naman aniya sinadya ang mga sablay ng organizer, kailangan pa ring matukoy kung sino ang mga nagpabaya.

“I’d like to address to the public—marami ‘yun. You cannot just cast away the discomfort, the suffe­ring of the athletes. This might really be a small matter, but you cannot just flick a finger na ‘ah maliit ‘yan’,” sabi ni Pa­ngulong Duterte

Aniya, magkakaroon ng imbestigasyon habang nasa Pilipinas pa ang mga foreign delegation para malaman nila na mayroong ginawang aksyon ang pamahalaan.

Kapag aniya may nakitang maling nagawa ang mga organizer, dapat tingnan at pag-aralan kung ano ang susunod na gagawin.

Cayetano ‘di pa lusot
Binigyang-diin ni Pa­ngulong Duterte na kahit kaalyado niya si House Speaker at Phisgoc chairman Alan Peter Cayetano, hindi aniya dahilan ito para manahimik siya at isiping walang nangya­ring aberya sa paghahan­da sa SEA Games.

“I cannot keep my mouth shut na ‘ah wala ‘yan’. That will be a strong statement to give to the Filipino people,” dagdag ng Pangulo.

Kaugnay naman sa pahayag ni Cayetano na mayroong nagtangkang isabotahe ang SEA Games, sinabi ng Pangulo na hangga’t maayos ang takbo ng palaro at walang mali sa paggamit ng pondo ay magiging maayos ito hanggang sa matapos ang SEA Games.

“There were mishaps, things that cropped up which are not supposed to be there. Late reactions, negligence, wala naman sigurong intentional,” anang Pangulo.

Muling humingi ng dispensa ang Presidente sa mga foreign delegate na nagkaroon ng hindi magandang karanasan at tinitiyak na mayroon ng gagawing imbestigasyon ang gobyerno. (Aileen Taliping/Prince Golez)