Abante Tonite Interactive

Mabuti pa ang Cambodia

432

Kaye Dacer

Usap-usapan ngayon sa social media ang ginawang pagsampa ng kaso ng gobyerno ng Cambodia sa apat na Chinese national dahil sa nangyaring pagbagsak ng isang gusali na ikinamatay ng may 28 katao at pagkasugat ng mahigit 20.

Ayon sa Preah Sihanouk provincial court ng Cambodia maliban sa apat na Chinese na inasunto ay dinamay rin sa kaso ang may-ari ng nag-collapse na gusali at kinasuhan ng involuntary homicide.

Nangyari ang trahedya noong Linggo, Hunyo 21 sa isang beach resort sa
Sihanoukville na pinopondohan ng Chinese.

Ang punto ng netizens sa balitang ito ay ang ipinakitang determinasyon ng Cambodia na panagutin sa nangyaring trahedya ang mga Chinese national na nasa likod ng proyekto.

Ibang usapin ito pero dahil mga Chinese ang sangkot ay muling naungkat ang napakaayos na pagtrato ng gobyerno sa mga Chinese.

Ayaw nating magaya tayo sa sinapit ng Cambodia, ang sa akin lang ay makitaan sana natin kahit papaano ang ating gobyerno ng malasakit sa mga kababayang nadedehado ng mga Chinese.

***
Napahanga naman ako ng isang grupo ng mga mambabatas na mga miyembro ng
PDP-Laban na nagbato ng kanilang suporta sa hindi nila kapartido.

Kadalasan kasi sa politika kapag magkakapartido ay sila-sila ang magkakakampi.

Pero binasag ng mga bigwigs ng PDP-Laban ang ganitong kalakaran matapos na tukuran nina Rep. Ronnie Zamora, Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, Rep. Abraham Tolentino at Rep. Dan Fernandez ang kandidatura ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano na miyembro ng Nacionalista Party (NP) bilang susunod na Speaker.

May mga positibong hugot ang mga mambabatas na sang-ayon sa kandidatura ni Alan katulad ni Zamora na aprub dahil swak umano itong Speaker kumpara sa ibang nag-aambisyon.

Pero mas napahanga ako ni Congressman Gonzales ng Mandaluyong na nagsabing aprub siya na maging Speaker si Alan dahil hindi lamang ito malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte kundi meron din itong kakayanang mamuno at napatunayan na ang track record pagdating sa serbisyo publiko.

Siyempre maliban sa kani-kaniyang paniniwala sa kakayahan ni Cayetano ay nagkakaisa silang nagsabing kering-keri nitong maiayos ang legislative agenda ni Pangulong Digong.

Kaya sana nga ay may ganito ring katangian ang iba pang mga nag-aambisyong maging Speaker para naman gumanda-ganda ang laban!