Abante Tonite Interactive

Mabuti pa ang HK

422

Boyet Jadulco

Nakakabilib ang ginawa ng mga mamamayan ng Hong Kong para maharang ang pagpapatibay ng extradition bill. Nagtipon tipon sila sa kalsada upang tutulan ang pagpapatibay ng panukala.

Tutol sila sa panukala dahil alam nilang hindi magkakaroon ng patas na pagdinig kapag sa China nilitis ang mga residente ng Hong Kong na kinasuhan sa mainland.

Umabot sa halos isang milyon ang lumahok, karamihan ay mga millenials. Pinabuwag ng Hong Kong government ang kilos protesta kaya’t nauwi sa marahas na dispersal. Marami din ang inaresto ng mga pulis.

Lalong nabatikos ang administrasyon ni chief executive Carrie Lam kaya’t napilitan itong humingi ng paumanhin sa pangyayari. Kasabay nito, sinuspinde rin niya ang pagsulong ng extradition bill noong Sabado.
Minsan pang napatunayan na kapag sama samang kumilos ang mamamayan ay nagkakaroon ito ng positibong resulta.

Sa Pilipinas naman, isang fishing boat ng mga mangingisda mula sa Occidental Mindoro ang pinalubog ng Chinese vessel sa Recto Bank noong Hunyo 9. Kinondena ito ng maraming Pilipino dahil itinuturing pa naman ng administrasyong Duterte na kaibigan ang China.

Pero ang masaklap nito, marami din sa mga Pinoy ang ipinagtatanggol pa ang China. Ilan ay binabaluktot o gumagawa pa ng fake news para siraan ang mga Vietnamese fisherman na siyang tumulong at nagligtas sa 22 tripulante ng Pinoy fishing boat.

Nakalulungkot lang isipin na dahil sa isyu ay nagkakawatak watak ang mga Pilipino imbes na magkaisa upang palagan ang ginawa ng mga Chinese.

Mabuti pa nga ang mamamayan ng Hong Kong. Kahit may dugong Chinese sila, pumapalag sila sa China kapag pinapakialaman ang kanilang pamumuhay at teritoryo.