Abante Tonite Interactive

Macrohon susunod sa yapak ni Diaz

229

Isa si Kristel Macro­hon sa mga inaasa­hang susunod sa yapak ni 2016 Rio de Janeiro Olympics silver meda­list Hidilyn Diaz.

Mula rin sa pinagmulang lugar ni Diaz sa Zamboanga City, unti-unting inihahan­da ni Macrohon ang sarili upang ‘di lang matupad ang kanyang pangarap na maging kampeon kundi maging Olympian din.

Isa rito ang tinupad ni Macrohon nang masungkit ang kanyang kauna-unahang medalyang ginto sa PH 30th Southeast Asian 2019.

“Napatunayan ko po ngayon sa sarili ko na kaya ko ring makapagbigay ng ­karangalan sa bansa,” bulalas ni Macrohon tapos mapanalunan ang weightlifting women’s 71kgs division Miyerkoles sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Ang ginto ang ­ikalawa ng sport sa 11-nation, 12-day ­biennial sportsfest.
Nagwagi ang 23-anyos na Zamboanguena tapos nang masaklap na unang pagsabak sa paligsahan sa binuhat na 216kgs – 93kgs sa snatch at 123kgs sa clean and jerk.

“Surprised po ako sa panalo ko kasi ang Vietnamese lifter po ang talagang No.1 sa division ko. Umaasa ako sa pilak pero nabigyan po ako ng inspirasyon ni ate Hidilyn para sa ginto,” panapos na sambit ni Macrohon.

Tulad ni Diaz, pangarap din ni Macrohon na makatapos ng pag-aaral kasama ang mga kapatid at matulungan ang kanyang pamilya na maiahon sa kahirapan. (Lito Oredo)