Abante Tonite Interactive

Madaling sabihin, mahirap gawin

607

Humarap noong nakaraang linggo ang mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Senador Loren Legarda at ibinida na kaya nilang mapababa ang presyo ng mga bilihin sa mga inilatag nilang solusyon. Ilan sa mga nagyabang sa komite ay sina Budget Secretary Benjamin Diokno, Finance Secretary Carlos Dominguez III, NEDA Secretary Ernesto Pernia at Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Francisco Dakila, Jr.

Ipinaliwanag nila ang mga dahilan ng pagsipa ng inflation rate sa 6.4 percent noong Agosto, mula sa 5.7 percent noong Hul­yo at ang mga hakbang na kanilang ginawa upang mapababa ito. Ilan daw sa kanilang ginawa ay ang pagpapakalat ng 4.6 milyong sako ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa buong kapuluan.

May paparating din na dalawang milyong sako ng NFA rice sa katapusan ng Setyembre at inaprubahan na rin ng NFA Council ang importasyon ng karagdagang limang milyong sako ng bigas na maaaring dumating bago mag-Disyembre. Kasabay ng mga hakbang na ito ay hinihikayat din nila ang mga senador na aprubahan na ang Rice Tariffication Bill.

Lumikha rin daw ng monitoring team ang Department of Trade and Industry (DTI), NFA, Philippine Natio­nal Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at farmers group upang tutukan ang mga inangkat na bigas mula sa pantalan, patungo sa mga warehouse ng NFA hanggang sa makara­ting ng retail outlets.

Hihikayatin din ng DTI at DA ang mga poultry producer upang gumawa o kumuha ng puwesto sa palengke para direkta nilang mabenta sa kustomer ang mga manok. Mababa na raw kasi ang benta ng manok sa farm gate, subalit ang humaha­ngong middle man ang siyang nagpapamahal ng presyo pagdating sa palengke.

Gagawa naman ng hakbang ang Sugar Regulatory Administration (SRA) upang makapag-import ng asukal nang sa gayon ay mapababa ang presyo nito sa merkado. Maging ang Bureau of Customs, magiging prayoridad nila ang pag-release ng mga importanteng food item sa mga pantalan.

Parang napakadali lamang sa kanila na magsalita kung ano-ano ang kanilang mga gagawin at ginagawa na. Ang tanong eh kung ang sinasabi nilang hakbang ay tuluyang magpapababa ng presyo ng mga bilihin sa bansa? Ang bigas ay dating nabibili lamang ng P50 bawat kilo, pero nang magkaroon ng krisis sa bigas ay pu­malo ito sa P58 bawat kilo. Kung babalik ito sa dating P50 per kilo, papalakpakan ko ang mga economic mana­ger dahil nagtagumpay sila sa pagpapababa ng presyo ng commercial rice. Kung mabibigo sila, hindi sapat ang mura o pagpapakain sa kanila ng bukbok na bigas para parusahan sa panloloko sa taumbayan.

Kung totoo man na magiging epektibo ang kanilang solus­yon, bakit ngayon lang nila ito ginawa kung saan nabutas na ang bulsa ng nakararaming Pilipino? Ang kapuna-puna sa naging paha­yag ng mga economic manager, wala silang inilatag na posisyon para mapababa ang presyo ng produktong petrolyo. Eh pano naman kasi, habang luma­laki ang presyo ng gasolina, lumalaki din ang kabig nila sa magkapatong na buwis tulad ng excise tax at VAT. Happy din ang mga kompanya ng langis sa kita at walang paki kung maging luhaan ang mga Pilipino.