Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Madarosis o pagkakalbo ng kilay

0 242

Kilay is life. Pero paano kung wala nang life ang kilay? May mga kababaihan at kalalakihang nalalaglag ang kilay – hindi lang dahil sa kemikal (kung nagki-chemotherapy) kung hindi dahil din sa isang kondisyon na tinatawag na madarosis.

Hindi lang kilay ang maaaring makalbo. Pati na rin ang mga pilikmata. Mayroong partial lang o hindi naman lahat ng bahagi ng kilay o pilikmata ay nawawala. Pero merong total o talagang wala nang natitirang buhok.

Ang madarosis ay galing sa Greek word na madao na ang ibig sabihin ay malaglag. Impeksyong galing sa bacteria, fungi o virus ang pinagmumulan nito.

Kabilang sa viral infection na nagiging dahilan ng madarosis ay ang herpes simplex at HIV. Sa bacteria naman, ang may sala ay ang Staphylococcus bacteria at syphilis. Kapag naman may ringworm na isang fungal infection, maaari ring makalbo ang kilay at pilikmata.

Karaniwan din itong nangyayari sa may ketong na isang bacterial disease. Gayundin sa may blepharitis o pamamaga na nakakaapekto sa talukap ng mata.

Maaari ring galing sa aksidente ang pagkakalbo ng kilay at pilikmata. Ang masaklap, kung mayroon kang Trichotillomania dahil kusa mong tinatanggal ang lahat ng buhok mo, kasama na ang kilay at pilikmata. Isa itong mental health condition.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang chemotherapy, radiotherapy at laser treatment ay maaari ring makakalbo ng kilay at pilikmata. Gayundin ang ilang gamot tulad ng botox, retinoids, androgens, anticonvulsantants at anticoagulants.

Sa ilang kaso, ang madarosis ay simtomas ng skin cancer. Mayroon ding autoimmune disease na nagsasanhi nito tulad ng alopecia, lupus, psoriasis, dermatitis, scleroderma, rosacea at hyper at hypothyroidism.

May pag-asa pang tumubo ulit ang buhok sa kilay at pilikmata kung non-scarring madarosis ang nangyari. Ang ibig sabihin nito, may natitira pang ugat ng buhok. Problema kapag scarring madarosis dahil ang ibig sabihin nito, na-damage na ang ugat ng buhok at permanente nang kalbo ang kilay at pilikmata.

Mahalaga rin ang nutrisyon sa pagkakaroon ng malagong kilay at pilikmata. Baka kulang ka sa Vitamin A at zinc kaya mabagal ang cellular growth at nahahadlangan ang produksyon ng moisturizing sebum (oil). Dagdagan mo rin ang kinakaing may Vitamin B7, Vitamin B12, Vitamin C at E, cysteine, omega 3 fatty acid at iron.

Kung hindi pa rin maresolba ang pagkakalbo ng kilay at pilikmata, baka kailangan nang bumisita sa aesthetic o cosmetic surgeon o sa iyong pinagkakatiwalaang salon para sa mga pamamaraan para magkaroon ng bagong kilay at pilikmata. Mayroong itinatanim, iginuguhit at mayroon ding isinusuot.

Leave A Reply

Your email address will not be published.