Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Madugong operasyon

0 472

Tinawag na “Bloody Sunday” ang madugong operasyon na inilunsad ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ni Pang. Duterte nitong madaling araw ng Linggo, Marso 7, laban sa mga aktibista sa mga probinsya ng Rizal, Cavite, Laguna, at Batangas. Siyam ang namatay dahil umano “nanlaban,” samantalang anim ang arestado at kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives. Naganap ito dalawang araw matapos iutos ni Duterte sa militar at pulis na patayin ang lahat ng mga rebelde at huwag isaalang-alang ang karapatang pantao.

Taglay ng operasyong ito ang iba’t ibang sangkap ng maruming gera ng rehimeng Duterte laban sa mga kritiko nito sa hanay ng mga aktibista o militante.

Una, pawang mga ligal at hindi armadong aktibista na kilala sa kanilang komunidad ang mga biktima: si Emmanuel Asuncion, coordinator ng BAYAN-Cavite; ang mag-asawang sina Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista ng UMALPAS KA, ang organisasyon ng magsasaka sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas; sina Melvin Dasigao, Mark Lee Coros Bacasno, Abner Esto, at Edward Esto ng SIKKAD-K3, organisasyon ng mga maralita sa Kasiglahan Village sa Rodriguez, Rizal; at sina Puroy dela Cruz at Randy dela Cruz, mga kasapi ng Dumagat Sierra Madre na pinatay sa Tanay, Rizal.

Pangalawa, nakatungtong ang operasyon sa mga search warrant para sa mga ilegal na pampasabog na tinatago umano sa mga bahay o opisina ng kanilang target, na pawang inisyu ng isang kasabwat na hukom. Sa pagkakataong ito, si Judge Jose Lorenzo dela Rosa, ang First Vice Executive Judge ng Manila, ang nagsilbing pabrika ng karamihan sa mga search warrant na ginamit sa “Bloody Sunday” operation.

Naglabas din ng warrant si Judge Jason Zapanta, Presiding Judge ng Branch 174 ng Manila Regional Trial Court. Para sa siyam na aktibistang nabanggit sa itaas, nagsilbing death warrant ang mga search warrant na ito.

Pangatlo, sinalaysay ng mga kapamilyang nakasaksi sa pangyayari na hindi “nanlaban” kundi tuwirang pagpatay ang ginawa ng mga pulis sa mga biktima.

Gayundin, tinaniman umano ng mga pulis ng baril at granada ang mga inarestong aktibista, kabilang sina Esteban Mendoza, ang Vice-President ng Olalia-KMU; Elizabeth Camoral, ang spokesperson ng BAYAN-Laguna; Nimfa Lanzanas ng Kapatid-Timog Katagalugan, at si Eugene Eugenio ng COURAGE-Antipolo.

SM food to go Banner Ad

Gasgas na modus operandi ng PNP at AFP ang paggamit ng search warrant laban sa mga aktibista para magtokhang o magtanim ng baril at granada.

Tanging makapipigil dito ang paniningil ng mamamayan. Lumilikha ng makapangyarihang daluyong ng pagtutol ng malawak na hanay ng mamamayan ang karumal-dumal na mga krimen ng pulis at militar sa ngalan ng kanilang madugong gera kontra sa mga aktibista.

Dapat ituon ang paniningil sa Department of Justice na maglunsad ng imbestigasyon sa pahayag ng pulis na “nanalaban” ang kanilang mga pinaslang. Mabilis na mahahanapan ng butas ng anumang seryosong pagsusuri ang salaysay ng mga pulis.

Dapat ding singilin ang Hudikatura, laluna ang Korte Suprema, na kumilos upang sawatain ang pakikisabwat ng ilang mga hukom sa kampanyang tokhang laban sa mga aktibista.

Nakataya ang kredibilidad ng buong institusyon, na inaasahan bilang huling linya ng depensa ng mamamayan laban sa tiranikong pag-abuso ng rehimeng Duterte.

Tuwirang binigkas ni Bise-Presidente Leni Robredo ang katotohanan ng nangyari nitong Linggo: “It was a massacre.” Lubos nating sinasang-ayunan ang kanyang pangwakas: “The Filipino people deserve better than this murderous regime.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.