Abante Tonite Interactive

Maere na si super athlete

973

Dating napaka-down to earth at napakadaling makausap para kumustahin sa kanyang pagsasanay at paghahanda nito sa mga pagsali sa mga lokal at internasyonal na torneo ang pambansang atletang ito.

Ito ay noong ‘di pa siya nakikilala at ‘di nagwawagi maski sa mga pambansang torneo.

Abot-kamay siya lagi kapag sumasabak ang pambansang koponan alinman sa pang-rehiyon at pang-Asya pati na noong una siyang nakatuntong sa pandaigdigang labanan.

Iba na ang naging ihip ng hangin nang magsunod-sunod ang pagdating dito ng panalo o tagumpay at naglalakihang pabuya mula sa gobyerno.

‘Di na siya puwede para sa isang iglap na interview at kailangan pa na dumaan at magtakda ng appointment sa kanyang manager. Kailangan na rin na bigyan ng talent fee ang kanyang isasagawang interview at pag-guest sa kanya sa mga programa sa web TV, TV, radio o print media.

‘Di mapagbigyan sa kanyang kahilingan ay kakaiba ang agad niyang magiging hakbang upang makamit ang lahat ng kanyang mga gusto na mangyari sa pagiging national athlete.

Marami ang nakapansin sa malaking pagbabago ni Super Atleta na nilalayuan na ng iba niyang mga kapwa manlalaro dahil halos dito napupunta ang lahat ng suporta ng namamahalang ahensiya ng gobyerno sa sports at ‘di man lang na mapansin ang iba pang atleta sa pambansang koponan na nagpapakahirap din para sa bandila at sa bansa.

Kasabihan nga ng mga beteranong atleta na katulad sa isang rocket, ang mabilis na sumasagitsit paangat sa ere, mas doble ang sakit kahit na bumagsak pa sa malambot na putik.