Abante Tonite Interactive

Mag-ama timbog sa pekeng gamot vs COVID

0 571

Arestado ang isang nagpakilalang inventor gayundin ang kanyang anak dahil sa pagbebenta online ng mga pekeng gamot na pangontra umano sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) makaraang kumagat sa entrapment operation ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP)

sa Navotas City Linggo ng hapon.

Kinilala ang mag-amang suspek na sina Ismael Aviso at Ismael Aviso Jr., residente ng Dagat-dagatan, Navotas City.

Ang matandang Aviso ay siyang inventor ng Motionless Electric Generator (MEG) noong 2011.

Inaresto ang mag-ama ng pinagsanib na puwersa ng Regional Anti-Cybercrime Unit ng Region 4-A (Calabarzon) na pinamumunuan ni Col. Julius Suriben at ng mga tauhan ng Northern Police District sa entrapment Operation dakong alas-3:30 ng hapon kamakalawa sa kanilang bahay.

Napag-alaman na isinagawa ang entrapment operation matapos na makatanggap ng reklamo hinggil sa pagbebenta online ng mag-amang suspek ng umano’y gamot sa COVID-19 sa halagang P7,500.

Napag-alaman na isang pulis ang nagpanggap na bibili ng gamot sa mag-ama at matapos magkapalitan ng pera at ng sinasabing gamot kontra COVID-19 ay pinosasan ang mga suspek.

Nabatid na ang matandang Aviso ay dalawang beses nang binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) noong Agosto at Setyembre 2019 dahil sa pagbebenta ng mga pekeng gamot kontra dengue.

Nakakulong ngayon ang mag-amang suspek sa Navotas City Police Station at nahaharap sa mga kasong estafa at paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at Cyber Crime Prevention Act.