Abante Tonite Interactive

Mag-ama todas, 2 sinagasaan ng pick-up

157

Patay ang mag-ama habang dalawa ang sugatan matapos silang suwagin ng pick-up habang sakay naman ang mga ito sa isang kulig­lig sa national highway ng Camalaniu­gan, Cagayan noong Miyerkoles nang gabi.

Kinilala ng Camalaniugan Police Station (CPS) ang mag-ama na sina Inocencio Fermin Sr., 63, at Inocencio Jr., 21, parehong taga-Fula Buguey ng nasabing lalawigan.

Ang mga sugatan naman ay sina Prince Jay Columna at Juliet Miranda.

Sa imbestigasyon, ayon kay CPS commander P/Lt. Ma. Teodora Cabral, sakay ang mga biktima sa kuliglig nang mag-overtake ang pick-up na minamaneho ni Ernesto Rabit Jr.

Sa bilis ng pangyayari, hindi napansin ni Rabit Jr. ang kasalubong na kuliglig kaya niya ito nabangga.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima ilang metro mula sa crime scene. Tumama naman ang mga ulo ng mag-amang Fermin sa sementong kalsada kung saan dead-on-arrival na ang mga ito nang dalhin sa ospital.

Samantala, si Rabit ay dinala sa CPS at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to double homicide at physical injuries. (Allan Bergonia)