Abante Tonite Interactive

Mag-asawa, 11 pang tulak swak sa buy-bust

289

Bilangguan ang bagsak ng isang mag-asawa at 11 pang tulak na nasakote sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. ­Ronnie Montejo ang mag-asawang nadakip na sina ­Abdul Fatah Datudacullah, 38-­anyos, at Sittienor Datudacullah, 37, mga nakatira sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Nasakote ang mag-asawa bandang alas-8:50 ng gabi sa Agham Road, Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa sa buy-bust na ikinasa ng Masambong Police Station 2.

Ikinulong ang mag-asawa sa Masambong Police Station habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila matapos mahulihan ng 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000.

Kabilang din sa mga inaresto sa magdamag na anti-drug operation ng QCPD ang mga suspek na sina Vivian Embesan, 36-anyos; Paul Orpilla, 37; Jeniffer Abella, 46; Odeza Pangan, 36; Linda Bantog, 40; Jayson Zaragosa, 39; Edgardo Yap, 49; Rolando Villaflor, 58; Xedric Paul Senera, 28; Danilo Dadia, 29; at Jhun Patrick Alavarez, 19.

Mahigit P400,000 kabuuang halaga ng shabu ang nasamsam mula sa mag-asawa at 11 pang suspek.