Abante Tonite Interactive

Mag-asawa inararo ng bus, 1 patay

276

Todas ang isang lalaki habang malubhang sugatan ang asawa nito matapos silang salpukin ng bus habang sakay ng motorsiklo sa Maharlika Highway sa Pagbilao, Quezon Linggo ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Victor Romey, 43-anyos, taga-Barangay Buenavista, sa bayan ng Buenavista, Quezon.

Idineklara itong dead on arrival sa Quezon Medical Center kung saan siya isinugod ng mga nag-rescue na mga tauhan ng Pagbilao MDRRMO.

Inoobserbahan pa rin sa nasabing ospital ang misis nitong si Maribel Nota Romey dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Batay sa report, galing Lucena City ang mag-asawa at pauwi na sa kanilang bayan sakay ng motorsiklo nang pagsapit sa Barangay Binahaan ay araruhin ng kasalubong na DLTB bus.

Mag-o-overtake umano sa isa pang sasakyan ang bus kaya sinakop nito ang linya ng kasalubong na motor.

Nasa kostudiya na ang Pagbilao Police ang driver ng bus na si Ricardo Romualdo Jr., taga-Legazpi City, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injury. (ronilo dagos)