Abante Tonite Interactive

mag-asawa nakaginto sa archery

177

Tulad sa tunay na buhay, nagtutulungan ang ­mag-asawa upang magpagtagumpayan ang mga plano sa buhay.

Lunes nang hapon, nagsikap ang ­mag-asawang Paul Marton at Rachelle Anne dela Cruz upang ­hablutin ang unang medalya ng bansa sa archery competition ng 30th Southeast Asian Games ­Philippines sa Parade ground, Clark.

Inamin ni Paul Marton na dinala siya ng kanyang asawa para masungkit ang ginto sa mixed team ­compound.

“Sabi ko ito na naman parang ‘yung asawa ko na naman ang nagdadala ng laro,” ­nakangiting kuwento ni Paul.

Naging sandalan nila ang mga ­sumusuporta sa kanila at ang hangaring mapalaso ang medalya para sa national archery team kaya todo ang kanilang ­tulungan.

“Actually naisip po namin dalawa na kami ang huling pag-asa kaya nagtulu­ngan po kaming mag-asawa. sabi namin kailangan naming bumawi para sa lahat para sa PH archery,” hayag ni Paul.

“Iniisip ko kung matalo silver kung manalo bawi lahat ‘yung pagod,” hirit naman ni ­Rochelle.

Aniya, malaking tulong din sa kanila ang kanyang kapatid dahil ’di ito nagtrabaho upang maalagaan ang kanilang bunsong anak.

“Salamat sa lahat lalo na sa kapatid ko, ‘di siya ­nag-apply para alagaan ‘yung bunso ko,” naluluhang panapos ni Rochelle.

Wala pang plano ang mag-asawa sa insentibo. Ang sigurado lang masaya sila pagbalik nila sa kanilang dalawang anak na naghihintay. (Elech Dawa)