Abante Tonite Interactive

Mag-asawa nilooban, niratrat

403

Patay ang mag-asawa matapos pasukin ang kanilang bahay ng hindi pa kilalang suspek at pagbabarilin ang mga ito Martes ng gabi sa Imus, Cavite.

Parehong dead on-the-spot matapos magtamo ng mga bala ng kalibre .45 baril ang mag-asawang sina Lowel­ Reposar Dimapilis, 39, traysikel drayber at asawang si Madelyn Dimapilis, nasa hustong gulang, kapwa residente ng Blk. 10, Lot 79, Phase 3 Extension Green Estate Subd. sa Brgy. Mala­gasang ng nabatid na bayan.

Sa ulat ni PCpl. Jessie Villanueva ng Imus Munisipal Police Station, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi. Nagpapahinga na ang mag-asawa sa kanilang kuwarto nang pasukin ng hindi pa kilalang suspek na armado ng kalibre .45 baril.

Agad pinagbabaril ng suspek ang mag-asawa at nang masigurong patay na ay saka lang tumakas patungo sa hindi pa batid na direksyon.

Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Cavite Police Provincial Office, nakakuha ang mga ito ng walong basyong bala ng nasabing kalibre ng baril sa lugar.

Sa ngayon ay blangko pa ang pulisya sa motibo sa pamamaslang gayundin sa pagkakakilanlan ng suspek kaya patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon. (Edwin Balasa)