Abante Tonite Interactive

Mag-asawa sinuwag ng nakamotor na teenager

465

By Allan Bergonia

Dead on-the-spot ang mag-asawang nakamotorsiklo matapos silang suwagin ng isang lasing na teenager na nakamotorsiklo rin sa intersection sa Barangay Bulingit, San Carlos City, Pangasinan noong Huwebes nang gabi.

Kinilala ni San Carlos City Police Station deputy chief-of-police P/Maj. Ronnie Astrero ang biktimang sina Jorge Lomibao at asawang si Rosalie Lomibao, ng Brgy. Nagelaian sa nasabing siyudad.

Ang lasing namang rider ay si Robin­son Bieg, 19, ng nasabing siyudad.
Sa imbestigasyon, ayon kay Astrero, papauwi na umano ang mga biktima alas-6:30 nang gabi galing trabaho at dumaan sa intersection na kalsada ng Brgy. Bulingit at dito humaharurot na nag-overtake si Bieg sa kasunod na sasakyan at binangga ang mga Lomibao.

Nabagok ang ulo ng mag-asawa at nalasog ang mga buto dahilan ng agaran nilang pagkamatay.

Bago ang insidente, galing umano ang suspek sa inuman at tumatakbo ito ng mahigit 80 kph nang suwagin ang mga biktima.

Aminado naman si Bieg na nasa impluwensya ito ng alak nang mangyari ang insidente.

Nabatid na may tatlong maliliit na anak na iniwan ang mag-asawang Lomibao.