Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mag-asawa timbog sa pekeng swab test

0 73

Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang mag-asawa sa Sariaya, Quezon na nagbebenta umano ng pekeng swab test result.

Kinilala silang sina Sheila at Kim Lester Ella. Naaresto sila Martes ng gabi.

Batay sa ulat, nasakote pa sa akto ng NBI na inaabutan ng perang ibinayad ng isang nagpagawa ng mga pekeng swab test si Sheila.

Nangyayari umano ang transaksiyon sa likod ng kainan ng mag-asawa na nakapuwesto sa Maharlika Highway sa Barangay Balubad.

Nahuli rin umano sa akto ang pag-print ni Sheila ng iba pang swab test result.

Sinabi ni NBI-Quezon Director Dominador Villanueva III, nakakuha sila ng impormasyon matapos na magpanggap ang isa nilang asset na nais magpagawa ng swab test result.

SM food to go Banner Ad

Karamihan umano sa mga kumukuha ng swab test result ay mga van driver at pasahero na patungo sa Camarines Sur at Norte, Albay, Sorsogon at iba pang lugar sa Bicol.

Inamin naman ng NBI na hindi agad na mahahalatang peke ang mga swab test result dahil may mga QR Code pa ito na kapag na-scan ay lalabas ang pangalan ng clinic.

Sinasabing pinapalitan ng mga suspek ang mga contact number sa certification para kapag tinawagan ng mga tao sa mga checkpoint ay may sasagot at magpapatunay na totoo ang papeles.

Karamihan umano sa nagpapagawa ay mula sa Maynila patungong Bicol.

Nagbabayad sila ng P2,500 hanggang P3,000. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.