Abante Tonite Interactive

Mag-asawang Chinese dinukot ng 2 kababayan

By
6,832

Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese national at apat nilang mga bodyguard dahil sa pagdukot sa isang mag-asawang Chinese na kanilang pinosasan at ikinulong sa loob ng isang bahay sa Pasay City.

Nahaharap ngayon sa kasong illegal detention ang mga suspek na sina Su Jianshui alyas ‘Ah Sin’ at Chenwin Bin.

Nabatid kay NBI Director Dante Gieran, nakatanggap ng impormasyon ang Anti-Organized and Transnational Crime Division ng kanyang ahensiya na may isang mag-asawang Chinese ang ipinosas sa loob ng Scape Building na matatagpuan sa Diosdado Macapagal Boulevard.

Kumilos ang mga ahente ng NBI at nasagip ang mag-asawang biktima na nakilalang sina Ai Xiao Geng at Xiao Qzao Ling, habang naaresto naman ang apat na mga bodyguard na nagsisilbing bantay nila.

Sinabi ng mga biktima na inakusahan sila ni Su Jianshui na nakawala ng halagang Renminbi 700,000 (pera sa China) o katumbas ng P5.5 milyon, na kanilang itinanggi.

Sa isinagawang follow-up operation, naaresto ang dalawang suspek na Chinese sa loob ng Shell Residences sa Pasay City. Positibo silang kinilala ng mga biktima na siyang dumukot sa kanila.

Napag-alaman pa na nakakuha ang mga awtoridad ng impormasyon mula sa CYX Manpower Services, na may tanggapan sa Diplomat Condominium at matatagpuan sa Roxas Boulevard Service Road corner Russel Avenue sa naturang lungsod din, na umano’y nangangailangan ang dalawang suspek na Chinese ng mga bodyguard.

Ayon sa mga kinuhang bodyguard, ipinakilala sila sa dalawang Chinese na mga amo nila at inutusan na bantayan nila ang mga biktima para hindi makatakas dahil malaki ang pagkakautang ng mag-asawa sa kanila.