Abante Tonite Interactive

Mag-asawang lagpas 80 ang edad, pinagnakawan na, pinatay pa

222

EDISON REYES

Dahil batid ni Bañanola na wala na siyang lusot sa krimen lalo na’t nabuhay ang kasambahay ng mag-asawang Nicolas at Leonora na si Editha, inamin na rin niya ang ginawang krimen at sinabing pagnanakaw lamang ang kanyang pakay nang pasukin ang bahay ng mga biktima.

Gayunman, nang makita aniya ni Editha ang ginawa niyang pagpasok sa loob ng bahay, napilitan na siyang hatawin ang babae ng tubo lalo na’t nagtangka pang manlaban sa kanya ang kasambahay.

Aminado rin si Bañanola na tinangay niya ang kabuuang halagang P38,000 na kanyang nakulimbat nang maghalughog sa mga drawer sa master’s bedroom ng mag-asawa matapos niyang mapaslang ang dalawa.

Gayunman, hindi na nabawi ng kapulisan kay Bañanola ang lahat ng salapi dahil aniya ay nagastos na niya ang mahigit sa kalahati ng salapi kaya’t P16,100 na lamang ang nabawi sa kanya ng kapulisan.

Inamin din niya kay Gen. Esquivel na nasa impluwensiya siya ng ipinagbabawal na gamot nang pasukin niyang mag-isa ang bahay ng mag-asawang matanda kaya’t nakagawa siya ng matinding karahasan sa mga biktima.

Nang makarating naman sa kaalaman ni NCRPO Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang pagkakadakip sa pangunahing suspek sa walang awang pagpatay sa mag-asawang Nicolas at Leonora Austria, nagtungo siya kinabukasan sa punong tanggapan ng QCPD sa Camp Karingal na dati niyang pinamumunuan upang makaharap ng personal si Bañanola.

Miyerkoles nang umaga nang iharap ni Gen. Eleazar sa mga mamamahayag si Bañanola at muli niyang inamin sa harap ng opisyal at mga miyembro ng media ang ginawang pagpatay sa mag-asawang Austria habang nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.

Inamin din niya kay Gen. Eleazar na patungo siya sa lugar na binibilhan niya ng shabu nang madakip siya ng mga awtoridad kaya’t sa sobrang galit at panggigigil ng butihing Hene­ral ay hindi niya napigilang pagsabihan ng masasakit na salita ang salarin.

Isa-isang isinumbat ni Gen. Eleazar kay Bañanola ang karumal-dumal na ginawang pagpatay sa mag-asawa at tangkang pagpatay sa kanilang kasambahay na hinataw ng tatlong ulit sa ulo gamit para lamang pagnakawan ang mga biktima.

Habang galit na galit si Gen. Eleazar at dinuduro-duro pa ang salarin, nabanggit ng opisyal na ang mga klase ng pag-uugali ni Bañanola na handang pumatay at magnakaw upang may maipanustos lamang sa pagkahumaling sa droga ang mga dapat na mabulok sa piitan o tuluyang mabitay.