Abante Tonite Interactive

Mag-asawang lagpas 80 ang edad, pinagnakawan na pinatay pa

270

EDISON REYES

Kahit pa nga naitalaga bilang Consul General sa Vancouver, Canada, hindi nakakalimot ang asawa ni Lito na si Maria Andrelita Austria na tawagan upang kumustahin ang kalagayan ng kanyang mga biyenan.

Dahil nakabukod na ang mga anak ng mag-asawa, sila na lamang dalawa, kasama ang 63-anyos nilang kasambahay na si Editha Fernandez, ang naninirahan sa hindi naman kalakihang bahay sa No 8 Diego Silang Street, TS Cruz Subdivision, Barangay San Agustin, Novaliches, Quezon City.

Sa kabila nito hindi naman nakakalimot ang sinuman sa kanilang mga anak na dumalaw ng madalas sa kanilang mga magulang upang matiyak na maayos ang kanilang kalagayan, pati na ang kanilang kalusugan.

At kahit hindi na kasama ang mga anak, hindi pa rin nakakalimot sa regular na pagsisimba ang mag-asawa sa malapit na chapel sa Novaliches, kasabay ang kanyang mga kapitbahay at pati na rin ang regular na pagpapa-check up sa kanilang family doctor upang ma-monitor ang kanilang kalusugan.

Sa kabila ng kanilang mga edad, nananatiling malakas at nasa mabu­ting kalusugan ang mag-asawang Mang Nicolas at Aling Leonor dahil na rin sa disiplinado nilang pag-aalaga sa kanilang sarili at pagkain ng mga wasto at masustansiyang mga pagkain.

Tulad ng kanilang ginagawa tuwing araw ng Linggo, maaga pa lamang ay nagtungo na ang mag-asawa noong Mayo 26, 2019 sa chapel sa Novaliches, Quezon city upang dumalo at making sa misa.

Nakauwi ng matiwasay sina Mang Nicolas at Aling Leonora matapos ang pagsisimba at tulad ng inaasahan, isa sa mga anak ng mag-asawa na si Maria Liza Austria-Lising, 56, ang nagtungo sa bahay ng mga magulang upang bumisita at kumustahin ang kalagayan ng ama’t ina.

Una’y mahinang pagkatok lamang sa pintuan ng bahay ng magulang ang ginawa ni Maria Liza upang kung sakali mang nagpapahinga o natutulog ang mag-asawa ay hindi niya maistorbo ang mga ito lalu na’t inaasahan naman niya na ang kasambahay na si Editha ang magbubukas ng pintuan.

Gayunman, nang walang tumugon sa mahihina niyang mga katok, napilitan si Maria Liza na lakasan ang kanyang pagkatok subalit nagtaka siya kung bakit wala pa ring nagbubukas ng pintuan sa kabila ng sunod-sunod at malalakas na katok na kanyang ginawa.