Abante Tonite Interactive

Mag-asawang lagpas 80 ang edad, pinagnakawan na pinatay pa

215

EDISON REYES

Hindi pangkaraniwan kay Maria Liza ang nararamdamang pangamba sa hindi pagtugon ng magulang at maging ng kanilang kasambahay sa kanyang malalakas na pagkatok kaya’t nagpasiya siyang magtungo sa barangay hall ng Barangay San Agustin upang humingi ng kaukulang tulong.

Hindi naman siya binigo ng mga opisyal ng barangay at kaagad na sinamahan sa pagtungo sa bahay ng kanyang mga magulang upang alamin kung ano ang kalagayan ng mag-asawa.

Muling sinubukang katukin ni Maria Liza at mga opisyal ng barangay ang pintuan ng bahay ng mag-asawa subalit nanati­ling tahimik at wala pa ring tumutugon sa malalakas na pagkatok.

Dito na humingi ng pahintulot ang mga opisyal ng barangay kay Maria Liza upang puwersahin nilang buksan ang nakasaradong pintuan na kaagad namang pinayagan ng anak ng mag-asawa.

Matapos mabuksan ang pintuan, kasama ni Maria Liza ang mga opisyal ng barangay na pumasok sa loob ng bahay at laking gulat nila nang makita ang duguan at nakahandusay na katawan ng kasambahay na si Editha sa parteng kusina na ng bahay.

Bagama’t duguan, humihinga pa si Editha kaya’t mabilis na gumawa ng paraan ang mga opisyal ng barangay upang tumawag ng ambulansya upang maisugod agad ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan.

Kaagad namang nakapagresponde ang barangay ambulance at isinugod si Editha sa Capitol Medical Center upang mabigyan kaagad ng pa­ngunang lunas.

Hinanap na rin kaagad ni Maria Liza ang mga magulang at laking paghihinagpis niya nang makita ang duguan at wala ng buhay na ama sa master’s bedroom.

Hinanap din niya ang ina at higit pa siyang nagimbal nang madiskubre ang bangkay ng ginang sa loob ng bathroom na tadtad ng saksak ang iba’t ibang bahagi ng katawan.

Hindi na rin nagdalawang-isip ang iba pang opisyal ng barangay na tumawag kaagad sa Novaliches Police Station (PS) 3 upang ipabatid ang nangyaring krimen.

Mismong si P/Lt. Col. Rossel Cejas ang nanguna, kasama ang mga tauhan, sa pagpunta sa bahay ng mag-asawang Austria nang makarating kaagad sa kanyang kaalaman ang nangyaring krimen.