Abante Tonite Interactive

Mag-asawang lagpas 80 ang edad, pinagnakawan na, pinatay pa

205

Part 9

Tinigilan lamang aniya ng salarin ang sunod-sunod na paghahataw sa kanyang ulo nang mahandusay na siyang duguan sa sahig at inakalang wala na siyang buhay.

Natuklasan din ng pulisya na kilala ng ilang mga residente sa ng Barangay San Agustin ang salarin dahil nagtatrabaho ito sa isang egg dealer at siya ang nagdedeli­ver ng mga pa­nindang itlog sa naturang lugar, maging sa bahay ng mag-asa­wang Nicolas at Leonora.

Naniniwala ang kapulisan na ma­laki ang posibilidad na alam ng salarin na tatlo lamang ang nakatira sa bahay ng mag-asawang Austria, kabilang na rito si Editha, dahil siya ang nagde-deliver ng panindang itlog sa naturang tirahan.

Natiyak din ng mga imbestigador na wala talagang planong buhayin ng salarin ang mga nakatira sa bahay ng mag-asawa sa oras na mabuko siya sa gaga­wing pagnanakaw dahil kilala siya ng mga naninirahan dito.

Nang ipakita ni Maj. Monsalve kay Editha ang nakuha nilang kulay pulang sando sa loob ng bahay ng mag-asawa na may bahid pa ng dugo, sinabi niya na ito ang suot ng salarin at kahit noon pa mang nagde-deliver ang lalaki ng itlog ay minsan na aniya niyang nakita na suot ito ng lalaki.

Ibinigay din ni Editha sa mga imbes­tigador na kasama ni Maj, Monsalve sa naturang pagamutan ang deskripsiyon ng salarin kaya’t malaki na ang paniniwala ng pulisya na isang malawakang pag-TUGIS na lang ang kinakailangan upang malutas ang krimen.